Inalis sa puwesto ang hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) dahil sa pagkakasangkot ng kaniyang sasakyan sa hit-and-run incident na isa ang nasawi.
Sa isang pahayag nitong Martes, sinabi ng QCPD na itinanggi ni CIDU chief Police Lieutenant Colonel Mark Julio Abong, na may kinalaman siya sa insidente na ikinasawi ng tricycle driver at ikinasugat ng pasahero nito.
Sinabi umano ni Abong na isang Ronald Centino, na nag-ayos ng kaniyang sasakyan, ang nagmaneho ng nito nang wala siyang pahintulot, at nasangkot sa aksidente.
“[Police Lieutenant Colonel] Abong was also relieved from his post and was reassigned to District Personnel Holding and Accounting Section while the investigation is still ongoing,” ayon sa QCPD.
“Meanwhile, [Police Major] Sheryl Bautista is designated as the Officer-in-Charge of CIDU,” dagdag pa sa pahayag.
Nangyari ang insidente noong Agosto 6 sa panulukan ng Anonas at Pajo streets sa Barangay Quirino 2A.
Lumitaw sa imbestigasyon District Traffic Enforcement Unit Traffic Sector Unit 3 at sa isinagawang pagsusuri sa Land Transportation Office, na nakarehistro ang nakaaksidenteng sasakyan kay Abong.
Nagsampa ang QCPD ng reklamong reckless imprudence resulting in homicide, physical injury, and damage to property laban kina Centino at Abong.
Patuloy umano ang imbestigasyon sa kaso.
Ayon sa QCPD, mahaharap din si Abong sa kasong administratibo kapag napatunayan na may pananagutan siya sa nangyaring insidente.—FRJ, GMA News