Habang may mga paaralan na nagsimula nang magbukas ng klase nitong Lunes, inanunsyo naman ng pamunuan ng Colegio de San Lorenzo sa Quezon City na tuluyan na nilang isasara ang kanilang paaralan dahil sa pinansiyal na usapin bunga ng COVID-19 pandemic, at mababang bilang ng mga nag-enroll ngayong pasukan.
"With a very heavy heart, we would like to inform you that due to the financial instability and lack of financial viability brought about by the ongoing pandemic and exacerbated by consistent low enrollment turnout over the past years, the Board of Trustees has come to the painful and difficult decision to permanently close our educational institution, Colegio De San Lorenzo," ayon sa inilabas na pahayag ng paaralan na naka-post sa kanilang Facebook page.
Ayon sa pahayag, buo nilang ibabalik ang ibinayad ng mga nag-enroll ngayong school year 2022-2023.
Tutulungan din umano nila ang mga estudyante na makalipat sa ibang paaralan at ipoproseso na mailabas kaagad ang kanilang records at credentials.
"We are also coordinating with a university of the same calibre for the possibility of transferring students who are willing to continue their education therein," ayon sa pahayag na pirmado ng presidente ng Board of Trustees na si Mary Claire Therese F. Balgan.
Ang Colegio de San Lorenzo na matatagpuan sa Congressional Avenue ay tatlong dekada nang nag-o-operate, ayon sa ulat ni Allan Gatus sa Dobol B TV nitong Martes.
Nitong nakaraang buwan, nag-anunsiyo rin ang Kalayaan College sa Quezon City, na titigil na rin sa kanilang operasyon pagkaraan ng 22 taon dahil sa patuloy na pagkalugi bunga ng kakaunting estudyante at epekto ng pandemic.
Nagsara din ngayong taon ang 107-year-old College of the Holy Spirit sa Mendiola sa Maynila dahil din sa usaping pinansiyal at epekto ng pandemic.
Samantala, handa naman daw ang Department of Education (DepEd) na tumulong para makahanap ng malilipatang paaralan ang mga mag-aaral na naapektuhan ng pagsasara ng Colegio de San Lorenzo.
Sa panayam ng Unang Balita nitong Martes, sinabi ni DepEd spokesperson Atty. Michael Poa, na walang abiso sa kanila ang pamunuan ng Colegio de San Lorenzo sa planong pagsasara.
“Sa ganyang paraan muna natin susubukan tulungan ang mga learners. Maghahanap tayo ng mga schools that can help absorb the students kasi nga ilang araw na lang po ay pasukan na,” ayon sa opisyal.
Sa ipinadala namang mensahe sa mga mamamahayag, sinabi ni Poa na mayroon isang private school sa Quezon City ang nagpahayag na sa kanila ng kahandaan na tanggapin ang mga apektadong mag-aaral ng Colegio de San Lorenzo, partikular na ang Grades 11 at 12.
Umaasa ang DepEd na may iba pang paaralan na sasalo sa mga estudyante ng Colegio de San Lorenzo.
Hiniling din ni Poa sa Colegio de San Lorenzo na bilisan pagbibigay ng transfer of records ng mga estudyante at refund sa ibinayad ng mga magulang.--FRJ, GMA News