Isang miyembro ng regulatory board ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na pumirma sa kautusan para mag-angkat ng asukal na hinarang ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., ang nagbitiw sa puwesto.
Idinahilan ni Atty. Roland Beltran, ang usapin ng kaniyang kalusugan kaya nagbitiw.
"Yes, I submitted my resignation," pagkumpirma ni Beltran sa GMA News Online sa ipinadalang mensahe nitong Lunes.
Sa kaniyang sulat na may petsang August 14 at nakapangalan kay Executive Secretary Victor Rodriguez, sinabi ni Beltran sa kaniyang pagbibitiw na, "it is without prejudice to any investigation that may be conducted in connection with the issuance of Sugar Order No. 4 s. 2022-2223."
Kamakailan lang, naglabas ang board ng Sugar Order No. 4, para payagan ang pag-angkat ng 300,000 metric tons ng asukal sa harap ng tumataas na presyo ng mga pangunahing produkto, kabilang ang asukal.
Matapos nito, inanunsyo ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, na "ilegal" umano ang naturang kautusan ng sugar board.
Wala umanong pahintulot ni Pres. Marcos ang resolusyon.
Si Marcos ang kasalukuyang kalihim ng Department of Agriculture at tumatayong chairman ng board ng SRA.
Ipinaliwanag ni Beltran na ang pagboto niya pabor sa pag-angkat ng asukal ay "conditional subject to compliance of the provisions of laws, rules and regulations and the internal processes of SRA."
"The action is thus withdrawn and negated due to non-compliance of the conditions set forth therein," sabi pa ni Beltran sa kaniyang resignation letter.
Nauna nang nagbitiw at humingi ng paumanhin dahil sa naturang kontrobersiya si Agriculture Undersecretary Leocadio Sebastian, na lumilitaw na lumagda sa Sugar Order. —FRJ, GMA News