Na-hulicam ang pagtagilid ng truck ng Manila Fire District sa tapat ng isang gasolinahan sa Maynila. Ang truck, reresponde sana sa isang sunog sa Paco.
Ayon sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Lunes, naganap ang insidente sa Barangay 866 habang binabaybay ng truck ang Pedro Gil papunta sa pinangyayarihan ng sunog.
Sa kuha ng CCTV, makikita na nang makatawid ang truck sa isang intersection ay tila nag-alangan ang driver sa pagkabig ng manibela kaya't nahulog sa ginagawang bahagi ng kalsada ang truck.
Nadamay sa aksidete ang isang nakaparadang jeep ngunit ligtas naman ang driver nito na si Kimpaul Retucsan habang isinugod naman sa ospital ang apat na bumberong sakay ng truck. Nasa mabuti na sila ngayon na kalagayan.
Samantala, isang residente naman ang namatay sa sunog na dapat sanang rerespondehan ng naaksidenteng truck.
Ayon sa Philippine National Police, dalawang palapag ng gusali ang nasunog na umabot sa ikalawang alarma.
Pasado 2 a.m. ng madaling araw na naapula ang sunog. —Alzel Laguardia /KBK, GMA News