Makakapagpalamig na sa "ulan" ang mga taong nakatira sa mga maiinit na lugar tulad ng California matapos itayo sa Venice Beach ang isang rain booth na puwede silang mag-shower.
Sa ulat ng Saksi nitong Biyernes, sinabing likas na babad sa araw ang California kaya biyaya para sa mga tao roon ang ulan.
Patok agad ito sa mga residente roon, kung saan isang bata ang tila gulat sa bawat patak ng tubig.
Ang iba ay nag-selfie at groupie pa habang sinulit ang kanilang rain experience.
Nagmistulang kissing booth na rin ang rain booth para sa mga couple na sinabayan ng buhos ng kanilang damdamin ang man-made na ulan.
Ang rain booth ay pakulo ng tourim board ng Washington state, na kanilang pang-engganyo sa mga nakatira sa maiinit na lugar na makatikim din ng ulan.
Madalas naman ang pag-ulan sa Washington State gaya sa Seattle. —Jamil Santos/LBG, GMA News