Mahigit P2 bilyong halaga ng pinaniniwalaang shabu na itinago sa kumot at tsitsirya ang nabisto ng mga awtoridad sa magkakahiwalay na operasyon sa Pozorrubio, Pangasinan at San Fernando, La Union
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, makikita ang paglusob ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency sa isang bahay sa Pozorrubio matapos makakuha ng senyales mula sa kanilang undercover.
Apat katao ang nadakip sa bahay kasama ang isang Chinese national na alyas "James," na nagsisilbing lider umano ng grupo.
Nilusob din ng mga awtoridad ang safe house ng grupo sa San Fernando kung saan nasamsam naman ang 40 kilo ng shabu na ibinalot sa tea bag.
Nabawi rin ng PDEA ang P5 milyong marked money, isang satellite phone, digital walkie talkie, pulling system na ginagamit sa paghatak ng bagay sa dagat at iba pang kemikal.
Isa umano ito sa mga pangunahing drug group na nagbabagsak ng droga sa Region III, IV at Central Visayas.
"Umaabot ang operation nila hindi lang rito sa Region I, specifically hanggang Ilocos Norte, umaabot siya sa Zambales, sa Pangasinan, Bataan at saka Cebu," sabi ni Greg Pimentel, Deputy Director General ng PDEA.
Ginamit ng grupo ang mga kumot at tsitirya bilang pantakip para maipadala ang kilo-kilong shabu papunta sa mga safe house.
Sinabi ng PDEA na naghihintay ng isa hanggang dalawang buwan bago makatanggap ng tawag ang grupo para dalhin ang shabu sa kanilang mga parokyano.
Aabot sa 400 kilo ang nasamsam ng PDEA na nagkakahalaga ng P2.72 bilyon.
Ayon naman kay PDEA Director General Wilkins Villanueva, ang operasyon ay produkto ng mahigit tatlong buwang surveillance at casing operation.
"We believe ito 'yung isa sa main sources ng droga na kumakalat sa buong Pilipinas," sabi ni Villanueva.--Jamil Santos/FRJ, GMA News