May aasahan na tapyas sa presyo ng mga produktong petrolyo ang mga motorista sa susunod na linggo.
Batay sa galaw ng oil trading monitoring sa nakalipas na apat na araw (August 1-4) sa Mean of Platts Singapore (MOPS), inihayag ng oil industry source sa GMA News Online, na maglalaro sa P1.70 hanggang P2 bawat litro ang maaaring mabawas sa diesel.
Habang P1.50 hanggang P1.80 per liter naman sa gasolina.
Ayon sa source, maaaring magkaroon ng bahagyang pagbabago sa presyuhan depende sa kalalabasan sa galaw ng kalakaran sa pandaigdigang merkado sa krudo sa Biyernes.
Nang hingan ng komento si Rino Abad, director ng Oil Industry Management Bureau ng Department of Energy, sinabi niya na mahigit P1/L ang maaaring maging rollback sa gasolina at diesel sa susunod na linggo.
Isa mga nakikitang dahilan ng rollback ay ang epekto ng ipinatupad na bagong pagtaas ng US Federal Reserve noong nakaraang buwan.
Sa pinakahuling paggalaw ng presyo ng mga produktong petrolyo, umabot na sa P19.65 per liter ang net increase sa gasolina at P32.35 per liter sa diesel ngayong taon.--FRJ, GMA News