Kasabay ng pataas sa presyo ng mga bilihin at serbisyo ang pagtaas din ng inflation rate sa 6.4% nitong Hulyo. Ito na pinakamabilis na pagtaas sa nakalipas na tatlong taon, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa pulong balitaan nitong Biyernes, sinabi ni PSA chief at National Statistician Claire Dennis Mapa, na mas mataas ng tatlong porsiyento ang inflation sa July, kumpara sa 6.1% noong nakaraang June.
Noong July 2021, nasa 3.7% lang ang inflation rate.
Noong Oktubre 2018, naitala ang 6.9% na inflation rate.
Bago nito, naglabas ng pagtaya ang Bangko Sentral ng Pilipinas na maglalaro ang inflation ng July nang mula 5.6% hanggang 6.4%.
Gayunman, pasok pa sa target ng pamahalaan ang inflation limit sa 4.5% hanggang 5.5% para sa kabuuang taon ng 2022. Mula Enero hanggang Hulyo, nasa 4.7% ang year-to-date inflation rate.
“Ang dahilan ng mataas na antas ng inflation nitong Hulyo 2022 ay ang mas mabilis na pagtaas ng presyo ng Food and Non-Alcoholic Beverages. Ito ay may 6.9% inflation at 64% share sa pagtaas ng pangkalahatang inflation sa bansa,” paliwanag ni Mapa.
Ang inflation umano sa mga isda at iba pang seafood items ay tumaas ng 9.2% mula sa 6.7% noong June. Ang karne at iba pang "slaughtered animals" ay umangat sa 9.9% ang bilis ng pagmahal mula sa dating 8.1%.
Samantalang ang asukal, confectionary, at mga panghimagas, sumipa sa 17.6% mula sa 10.9%.
Ayon pa kay Mapa, ang pangalawang nagpasipa sa inflation ay ang pagsirit din ng Transport index sa 18.1% mula sa 17.1%. Tumaas din ang inflation sa commodity group tulad sa Restaurants and Accommodation Services index na nagmarka ng 3.4% mula sa dating 2.8% noong June.--FRJ, GMA News