Tatlo katao ang nasawi habang anim na iba pa ang nasugatan sa nangyaring pananaksak ng isang lalaki sa kindergarten sa Jiangxi province sa China. Ang suspek, nakatakas.

Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabi ng pulisya sa post sa Weibo na isang "gangster wearing a cap and mask" ang umatake sa isang private kindergarten sa Anfu county nitong Miyerkules ng umaga.

"Public security organs are making every effort to hunt down the suspect," saad sa pahayag ng pulisya patungkol sa 48-anyos na suspek.

Sa video ng state-run Beijing Daily, makikita ang isang pulis habang bitbit ng isang bata patungo sa ambulansiya.

Hindi pa inihahayag ng pulisya ang edad ng mga biktima.

Ayon sa ulat, mahigpit na ipinagbabawal sa mga tao sa China na magmay-ari ng baril. Pero ilang insidente ng mass stabbing ang nangyayari sa kanilang bansa.

Kadalasang pinupuntirya umano ang mga salarin ang kindergarten at school students. Nitong nakaraang Abril, dalawang bata ang nasawi at 16 ang nasugatan nang umatake ang isang lalaki na armado rin ng patalim sa isang kindergarten sa southern China.

Noong 2020, isang lalaki na armado rin ng patalim ang umatake sa isang primary school sa southern China kung saan 37 estudyante at dalawang nakatatanda ang nasugatan.

Lumitaw na isang security guard ang nasa likod ng pag-atake.

Sa isa pang insidente noong nakaraang buwan, apat katao ang nasugatan sa pananaksak na nangyari sa isang ospital sa Shanghai. Naaresto ang salarin.

Noong June 2021, anim ang nasawi at 14 ang nasugatan sa pananaksak na ginawa ng isang lalaki sa mga taong naglalakad sa isang shopping area sa Anqing.— AFP/FRJ, GMA News