May mga piraso ng metal debris na may marka ng watawat ng China ang nakita sa karagatang sakop ng Occidental Mindoro, ayon sa Philippine Coast Guard.
Sa ulat ng GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabi ng PCG na nakita ng kanilang tauhan ang naturang bagay sa bahagi ng Mamburao.
Inaalam pa nila kung saan ito nanggaling.
Una nang inulat na may mga bahagi ng booster ng Long March 5B rocket ng China ang sinasabing bumagsak sa karagatan sa bahagi ng Puerto Princesa, Palawan.
Bago bumagsak sa karagatan ng Pilipinas, nakita sa kalangitan ng Malaysia ang bumubulusok at nag-aapoy na bagay na tila shooting stars na sinasabing parte ng booster nang pumasok sa earth atmosphere.
Una rito, sinabi ni Zhao Lijian, tagapagsalita ng Chinese Foreign Ministry, nakadisenyo raw ang rocket na masunog kapag pumasok sa atmosphere.
"The probability of this process causing harm to aviation activities or the ground is extremely low," dagdag pa ng opisyal. --FRJ, GMA News