Hindi na kailangang paulit-ulit na kumuha ng birth, death o marriage certificate ang publiko sa Philippine Statistics Authority, o dating National Statistics Office dahil permanente na ang bisa ng naturang mga dokumento.

Ayon kay Senador Bong Revilla Jr., awtomatikong batas na ang panukalang ipinasa ng Kongreso para sa naturang usapin matapos na "mag-lapse into law" ang panukala nitong July 28.

Ipinakita ni Revilla sa mga mamamahayag nitong Martes ang sulat mula sa Malacañang na pirmado ni Executive Secretary Victor Rodriguez, para ipaalam sa Senate president ang pagsasabisa ng nasabing bagong batas.

Sa isang pahayag, ipinaliwanag ni Revilla, nagsulong ng panukala sa Senado, na ang certificate na "issued, signed, certified, or authenticated" ng Philippine Statistics Authority (PSA), o ng dating National Statistics Office (NSO), at local civil registries, "shall have permanent validity regardless of the date of issuance."

Dapat umanong kilalanin at tanggapin ng lahat ng sangay ng pamahalaan at ng pribadong sektor ang naturang mga dokumento kung kailangan sa gagawing transaksyon ng isang tao bilang patunay ng kaniyang katauhan o legal status.

Ginawa umano ang batas, ayon kay Revilla, dahil may mga ahensiya ng pamahalaan o ibang sangay na humihingi ng bagong kopya ng naturang dokumento pagkaraan ng anim na buwan. Dahil dito, nagmimistulang anim na buwan lang umano ang bisa ng nasabing mga dokumento.

Bagaman ipinaliwanag ng PSA na walang expiration ang mga naturang dokumento na nanggagaling sa kanilang ahensiya, sinabi ni Revilla na ang may ahensiya na hindi ito tinatanggap sa sandaling nagpalit ng kulay sa security paper ang PSA na ginagamit sa paggawa ng certificate.—FRJ, GMA News