Pinasok ng mga awtoridad ang isang planta at dinakip ang mga tauhan nito na huli sa akto ng ilegal na pagre-refill umano ng mga LPG tank sa General Trias, Cavite.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa Unang Balita nitong Martes, sinabing pinasok ng Anti-Organized Crime Unit ng Criminal Investigation and Detection Group ang nasabing compound sa bisa ng search warrant.

Naaktuhan ng mga taga-CIDG ang ilang empleyado ng planta na nagre-refill ng mga LPG sa tangke ng ilang kilalang brand.

"Hindi po sila allowed na mag-refill ng product," sabi ni Police Major Bryan Salveron ng CIDG-Anti-Organized Crime Unit.

Matagal munang nagsagawa ng surveillance ang CIDG-AOCU sa nasabing planta at nagsagawa ng apat na test-buy para siguruhin ang mga reklamo, bago nila ikinasa ang operasyon.

Sa mismong operasyon, dinakip ang plant manager at iba pang tauhan, na sinubukan pang tumakas.

Dinala sa Camp Crame ang mga dinakip na suspek, na tumangging magbigay ng pahayag sa GMA News.

Ang abogado ng kumpanya ang humarap at iginiit na walang ilegal na gawain sa kanilang planta.

"We're not doing anything illegal. I'm pretty sure of that, so that's why I'm saying na anything will be resolved in court in due time," sabi ni Atty. Francis Tiu, legal counsel ng Pryce Gas.

Gayunman, sinabi ng ng kinatawan ng isa sa mga complainant na mga dealer umano nila ang nagsumbong sa ilegal umanong pagre-refill sa kanilang mga tangke.

"'Yung pinaka-barbula niya, 'yung kinakabitan ng regulator, pinapalitan po 'yun. 'Yun po ang delikado. 'Pag sumingaw po, doon na nagkakaroon tayo ng mga aksidente na magkaroon ng malalaking sunog," sabi ni Jonathan Dulay, isang brand protection agent.

Sinamsam ang ilang kagamitan sa pag-refill, habang sinampahan ng kaukulang reklamo ang mga suspek. —Jamil Santos/VBL, GMA News