Aabot sa P300,000 halaga ng high-grade marijuana o kush ang nasabat mula sa tatlong naarestong suspek sa isang buy-bust operation sa Las Piñas City, ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita nitong Martes.

Ayon sa pulisya, nagpa-pot session pa ang tatlong suspek sa loob ng kanilang sasakyan bago ang kanilang transaksyon sa isang gasolinahan sa Barangay Almanza Uno.

"Actually, before natin nalapitan [ang mga suspek], puno talaga ng usok ang sasakyan. Kaya 'yung operatiba natin, 'yung undercover natin, eh naglagay pa ng mga bulak sa ilong para lang hindi malanghap 'to aside sa mask," ani Police Major Von Alejandro, hepe ng Philippine National Police Regional Drug Enforcement Unit.

Modus umano ng tatlo ang mag-ikot sa mga bar at condominium sa Metro Manila para magbenta ng kush sa mga parokyanong pawang Chinese at Korean na "party-goers."

Depensa ng isa sa tatlong suspek na si alyas "Anna," na nagsisilbi umanong middle man o naghahanap ng mga klienteng bibili ng kush, problema umano sa buhay ang nagtulak sa kaniya para magtulak ng droga.

"Hindi po ako clinically diagnosed pero halos lahat ng tao sa pamilya ko alam na may depression ako," aniya.

Ayon naman ng isa pang suspek, gumagamit lang umano siya ng high-grade marijuana. Hindi naman nagbigay ng pahayag ang ikatlong suspek.

Mahaharap ang tatlo sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. —Alzel Laguardia/KBK, GMA News