Sinabi ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na walang plano ang Pilipinas na muling umanib sa International Criminal Court (ICC).
Ginawa ni Marcos ang pahayag sa isang pagtitipon sa Pasig City nitong Lunes. Noong nakaraang linggo, nakipagpulong ang pangulo sa legal team ng kaniyang administrasyon para talakayin ang ginagawang imbestigasyon ng ICC sa war on drugs ng nagdaang Duterte government.
Dumalo sa naturang pulong sina Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, Solicitor General Menardo Guevarra, Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile, Executive Secretary Vic Rodriguez, at Atty. Harry Roque, dating spokesperson ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
"The meeting that we had with the SolGen, the Secretary of the Department of Justice, kasama na rin diyan si Senator Enrile who has become my legal adviser, amongst other, we — yes also si Atty. Harry Roque because he is involved and recognized by the ICC — ang mineeting (meeting) namin ay dahil sinasabi ngayon na itutuloy ang imbestigasyon (sa war on drugs)," ayon kay Marcos.
"Eh sinasabi naman namin may imbestigasyon naman dito at patuloy rin naman ang imbestigasyon, bakit magkakaroon ng ganoon?," dagdag niya.
Sa abiso na may petsang July 14, binigyan ng ICC ang bagong administrasyon ng hanggang September 8, 2022 para magbigay ng obserbasyon sa planong muling pagbubukas ng imbestigasyon.
Sinabi ni Marcos na kasama sa mga tinalakay sa pulong ay kung dapat o hindi dapat sumagot ang Pilipinas sa ICC.
"If we will respond, if we will not respond, kung ano — kung sakali man sasagot tayo, anong magiging sagot natin; or possible din, basta hindi natin papansinin dahil hindi naman tayo sumasailalim sa kanila," paliwanag ni Marcos.
"Pero the ICC is a very different kind of a court kaya’t pinag-aralan muna. Sinabi ko pag-aralin niyo munang mabuti ‘yung procedure para tama ‘yung gagawin natin. Kasi hindi natin siyempre kailangan — baka ma-misinterpret ‘yung ating mga ginagawa. Kaya’t liwanagin natin kung ano ba talaga ang dapat gawin, sinong susulat kanino, anong ilalagay sa sulat," patuloy niya. —FRJ, GMA News