Hindi magiging una't huli para kay Manny Pacquiao ang magiging exhibition match niya laban sa South Korean martial artist at Youtuber na si DK Yoo.

Isang charity event ang magiging salpukan nina Pacquiao at Yoo para makatulong sa mga pamilyang labis na naapektuhan ng giyera ng Ukraine at Russia.

Gaganapin ito sa December sa Seoul, South Korea.

Ayon kay Pacquiao, 43-anyos, sasabak pa siya sa ibang exhibition match para makatulong sa mga nangangailangan.

“My dream is to help more people, help more of my countrymen to own a house. That is my advocacy; for every family to have a house of their own. For me to continue to give houses to poor families, I need to make money through exhibitions and charity events,” pahayag ng dating eight-division champion.

May ilang tagamasid na nag-iisip na ang exhibition match ay paghahanda sa posibleng pagbabalik niya bilang professional boxer, pero ayon sa tinaguriang "Pambansang Kamao," nakatuon ang atensyon niya ngayon sa pagtulong.

“What I know is I have retired. That is what's on my heart and mind unless that changes and I want to fight again. But for now, I am not thinking of that. What I am thinking of is how to make money to help my countrymen,” sabi ni Pacquiao.

Nagretiro si Pacquiao noong Setyembre 2021 matapos ang nanimous decision defeat kay Yordenis Ugas, at paghahanda sa May 2022 presidential race.

Sa kaniyang kampanya, naging plataporma ni Pacquiao ang pagtulong sa mga mahihirap, at nangako rin ng pabahay.

Ngunit si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos ang nanalo sa nakaraang Eleksyon 2022.  — FRJ, GMA News