Isang misis ang napatay sa sakal ng kaniyang mister sa Quezon City, ayon sa exclusive report ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkules.

Ayon naman sa suspek na si Ralph Miguel Encinares, na agad sumuko matapos ang krimen, gumanti lang siya sa misis dahil sinakal din daw siya nito habang natutulog siya.

Ani Encinares, nagising na lang siya na sinasakal siya ng kaniyang misis na si May Encinares, 26 anyos.

"Sinubukan ko pong makiusap sa kaniya na tumigil na, tama na, kaso hindi. Nakikita ko sa kaniya na talagang galit siya," kuwento ng suspek.

Hindi raw ito ang unang beses na nagalit sa kaniya ang asawa na humantong sa pananakit.

"Minsan po sa mga naipong sama ng loob hanggang sa nagagalit na. Mga past na problema na kapag naaalala niya, naiisip niya, yun ang nagiging trigger para magalit siya sa akin," ani Encinares.

Matapos gumanti ng sakal ay inakala raw ni Encinares na hinimatay lang ang misis hanggang sa hindi na raw ito gumagalaw.

Matapos ang pangyayari ay hinatid ni Encinares ang dalawang anak sa kanilang lola at saka siya sumuko sa pulisya.

Nadiskubre ang bangkay ni May matapos magtungo sa bahay nila ang kaniyang mga magulang.

Labis naman ang pagsisisi ng suspek na nahaharap ngayon sa kasong parricide. Inaalala rin niya ngayon ang magiging buhay ng dalawa nilang anak. —KBK, GMA News