Arestado ang dalawang lalaki na wanted sa panggagahasa sa isang 13-anyos na dalagita noong 2019.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, kinilala ang mga suspek na sina Santiago Lopez Jr. at Renz Gil Cabantac, na dinakip ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) sa bisa ng arrest warrant.
Ayon mga pulis, nangyari ang krimen tatlong taon na ang nakalilipas.
"Accordingly, 'yung victim niyaya ng isa sa mga kainuman ng isa sa mga suspek through Messenger. Nang malasing itong bata, doon na pinagsamantalahan. A few days [after], nakaramdam ng pananakit ang bata, then that's the time na isinumbong sa pamilya," sabi ni Police Lieutenant Colonel Gilmore Wasin, Station Commander ng Project 4 Police.
Kabilang ang dalawang suspek sa top 10 most wanted persons ng Project 4 Police Station.
Dati nang nakulong dahil umano sa illegal gambling si Lopez, na top 2 Most Wanted Person ng QCPD Station 8, samantalang si Cabantac naman ang top 3 Most Wanted Person ng naturang estasyon.
Itinanggi ng mga suspek na sangkot sila sa krimen.
"Hindi po namin ginawa 'yun sir," sabi ni Lopez.
"Maling paratang po sa amin kasi malabong malabo po 'yung nangyari sa amin," sabi naman ni Cabantac. —Jamil Santos/VBL, GMA News