Puwede nang magpaturok ng COVID-19 booster shot ang mga kabataang edad 12 hanggang 17, ayon sa Department of Health (DOH).

“Yes! Children ages 12 to 17 can now get their additional/booster doses,” saad sa post ng DOH sa Facebook at Twitter.

 

 

Matatandaan na hindi itinuloy noong nakaraang linggo ng pamahalaan ang pagbibigay ng unang COVID-19 booster dose para sa mga non-immunocompromised children dahil sa “glitches.”

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, maaari nang isagawa ng mga lokal na pamahalaan ang naturang pagbibigay ng booster shots sa mga kabataan kung handa na sila.

“It was stated in our guidelines that all LGUs/Vaccination sites who are ready to implement — trained HCWs, with appropriate vaccines, etc. — can already implement,” sabi ni Vergeire sa ipinadalang mensahe sa mga mamamahayag.

Ang mga medical centers at hospitals ang magbibigay ng schedule para sa mga immunocompromised pediatric patients na edad 12-17 kapag maaari na silang bigyan ng booster dose, ayon sa abiso ng DOH.—FRJ, GMA News