Dead on the spot ang isang babae matapos siyang pagbabarilin sa Tondo, Maynila nitong Lunes.

Nakilala ang biktima na si Mariafe Villafranca, ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita nitong Martes. May mga tama ng bala siya sa ulo.

Nangyari ang insidente sa Happyland sa Barangay 105.

Nakuhanan pa ng CCTV ang pagkakahulog ng biktima sa hagdan sa harap ng isang bahay.

 

 

Hindi nakita sa CCTV video ang mismong pamamaril ngunit nakuhanan ang lalaking suspek na nakaputing T-shirt at may suot na sombrero na naglalakad sa eskinita.

Ayon sa mga residente, mag-aalas-singko ng hapon nang pumasok sa compound ang nasabing lalaki na may dalang baril.

Kuwento naman ng kinakasama ng biktima, binisita ni Villafranca noon ang hipag niyang nakatira sa Happyland.

Dati na raw nakulong ang biktima noong 2018 dahil sa kasong pagtutulak ng shabu.

Ayon sa isang opisyal ng barangay, hindi tagaroon ang suspek.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente. —KG, GMA News