Natagpuang wala nang buhay sa kaniyang bahay sa Naga City kaninang umaga si dating Camarines Sur Representative Rolando “Nonoy” Andaya Jr. Kabilang siya sa tinaguriang "Spice Boys" noon sa Mababang Kapulungan.
.
Sa socia media post nitong Huwebes, kinumpirma ng mga anak ni Andaya na sina Ranton at Katrina Andaya, ang pagpanaw ng kanilang ama na 53-taong-gulang.
“With deep grief and sadness, we announce the untimely death of our father, former member of the House of Representatives, Rolando 'Nonoy' G. Andaya, Jr., this morning, June 30, 2022,” pahayag nila sa Facebook post.
“We request for your fervent prayers for his eternal repose, and to allow us, his family, to grieve privately our loss,” hiling nila.
Sa police report, sinabing nakitang wala nang buhay ang dating kongresista sa kaniyang bahay sa Naga City.
Naging kongresista si Andaya noong 11th, 12th, at 13th Congress. Miyembro siya noon ng grupong "Spice Boys," mga kabataang kongresista na naging bahagi sa pag-impeach kay dating Pangulong Erap Estrada.
Noong 2006, itinalaga ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo si Andaya bilang kalihim ng Department of Budget and Management.
Muli siyang bumalik na kongresista sa Camarines Sur noong 2010. Tumakbo siyang gobernador ng lalawigan noong 2019 at nitong nagdaang May 2022 pero hindi siya pinalad na manalo.— FRJ, GMA News