Tumaas na ang mga kaso ng dengue sa Metro Manila at sa ibang bahagi ng bansa sa gitna ng patuloy na banta ng COVID-19, ayon sa isang opisyal ng Department of Health (DOH).
Iniulat ni Katrina Son sa 24 Oras Weekend nitong Sabado na kahit noong hindi pa umano nagsimula ang tag-ulan, mataas na ang mga kaso ng dengue sa ilang lugar sa bansa.
Ayon sa DOH, umabot sa 3,048 ang naitalang mga kaso mula Enero hanggang Mayo ng kasalukuyang taon sa Metro Manila.
Umabot naman sa 314 ang mga kaso ng dengue sa Region II (Cagayan Valley) mula Enero hanggang Hunyo. Nasa 186 sa kabuuang bilang ang tinamaan na may edad isa hanggang 18. Tatlo, kabilang ang isang bata, ang nasawi sa rehiyon.
Sa Cebu City, umabot sa 1,254 ang bilang ng mga kaso, kung saan 16 na ang patay at karamihan sa mga nasawi ay mga bata, ayon sa Health authorities ng lungsod.
Sa Isabela, nasa 1,149 ang naitalang dengue cases mula Enero hanggang Mayo.
Sa Zamboanga City, 315 ang kaso at sa bilang na ito, 284 ang mga menor de edad.
Sa pahayag ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, 13 sa 17 rehiyon sa bansa ang mayroong pagtaas ng bilang ng mga kaso kung ikukumpara sa kaparehong time period noong 2021.
Dagdag niya, mabilis ang pagtaas ng mga kaso ng dengue sa Region 7, Region 3, at Region 6.
Pinapaalalahanan naman ang mga magulang na bantayan ang mga bata dahil sa marami sa kanila ang nagkaka-dengue.
Nakipag-ugnayan na umano ang DOH sa mga lokal na pamahalaan, regional offices at mga ospital para sa dengue preventive measures. —LBG/KG, GMA News