Nahuli-cam ang ginawang pagdunggol ng ilang ulit ng isang truck sa maliit na kotse na nasa harapan niya habang nasa isang kalye sa Parañaque City. Ang driver ng truck, tila hindi apektado sa nangyari at nagtuloy-tuloy pa rin sa biyahe.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa C5 extension.
Sa video, makikita ang pagbangga ng truck sa likuran ng puting kotse na nasa harapan nito. Pero sa halip na huminto, nagpatuloy sa pag-arangkada ang driver ng truck.
Ang kotse na pilit na tumigil, nagpausad pa rin hanggang sa tumama sa isang sasakyan na nasa unahan niya.
“Tuloy-tuloy pa rin siya [truck] hanggang sa kumanan na siya. As in parang walang nangyari,” ayon kay PSSGT. Joel Baes, Parañaque traffic investigator.
“Ang laki naman na... dalawang sasakyan na ang nadamay. Imposible naman po na hindi niya mapansin,” dagdag ng imbestigador.
Ayon sa driver ng kotse, sinubukan niyang pumreno para tumigil siya sa pag-arangkada pero hindi niya kayang pigilan ang truck na mistulang itinutulak na ang kaniyang sasakyan.
“Nagulat ako bumangga ulit. Tuloy-tuloy na 'yon. Sinubukan ko. Ewan ko kung makikita ko sa video, sinusubukan ko talagang pumreno. Pero siyempre maliit lang ang sasakyan ko, hindi naman kaya talagang pigilan. Ginaganon ko ang ano [manibela] kasi tatama na ako sa unahan,” kuwento ni Rigel Plazuela.
Nayupi ang likod at hood ng sasakyan ni Plazuela, pero ang mas ikinasasama ng loob niya ang pagtakbo ng driver ng truck sa responsibilidad nito.
Natukoy ang pagkakakilan ng driver ng truck at may-ari nito matapos na makuha ang plaka ng sasakyan. Gayunman, hindi sila nagpakita sa traffic bureau nang ipatawag.
“Since wala na pong dumating, magpa-file na lang po kami ng kaso laban dun sa may-ari ng dump truck,” sabi ni Baes. --FRJ, GMA News