Ang dating presidente at chief operating officer ng Philippine Airlines (PAL) na si Jaime Bautista ang napili ni President-elect Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na maging kalihim ng Department of Transportation (DOTr) sa kaniyang administrasyon.
Kinumpirma ito ni incoming Executive Secretary Attorney Vic Rodriguez nitong Huwebes.
Papalitan ni Bautista sa naturang puwesto si Sec. Arthur Tugade, kasabay ng pagtatapos ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa June 30.
Samantala, itinalaga ni Marcos si dating Light Rail Transit Authority (LRTA) deputy administrator Cesar Chavez, bilang Undersecretary-designate for Rails of the DOTr.
Ayon sa kampo ni Marcos, naging instrumento siChavez para makuha ang pagsang-ayon ng National Economic and Development Authority (NEDA) sa mga proyektong Metro Manila Subway, PNR Manila to Calamba, PNR Manila to Bicol, at Tagum-Davao-Digos Mindanao rail projects.
Bago mapunta sa transport sector, si Chavez ay dating assistant general manager for planning ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at naging chairman ng National Youth Commission (NYC).
Sa isang pahayag, sinabi ni Chavez na gusto niyang pagtuunan ng pansin na mapabilis ang railway projects sa Visayas at Mindanao.
Itinalaga rin ni Marcos si Atty. Cheloy Garafil, para maging pinuno ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Kasalukuyang service director sa Committee on Rules of the House of Representatives si Garafil. Nagsilbi siyang piskal para sa Department of Justice (DOJ) at State Solicitor for the Office of the Solicitor General (OSG).
Magsisilbi naman bilang general manager ng Philippine Ports Authority (PPA) si Christopher "Chet" Pastrana.— FRJ, GMA News