Sa muling pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, may panibagong banta na naman ang pagkalat ng monkeypox sa iba't ibang panig ng daigdig. Bakit nga ba dumadalas ang virus outbreaks sa mundo?
"We're still reiterating that it's not a matter of if, but when," ayon kay Professor Phillip Alviola, isang bat ecologist at Associate Professor sa University of the Philippines Los Baños sa "Need To Know" ng GMA News.
"Kung titingnan mo, although the first SARS-CoV appeared 2002, 2004, MERS-CoV [in] 2012, and then SARS-CoV-2 is 2020 or latter part of 2019. So more or less parang every 10 years. "I wouldn't be surprised if it's going to be much shorter," dagdag ni Alviola.
Ayon kay Alviola, "inevitability" o hindi na maiiwasan ang pagkakaroon ng mga outbreak, at posibleng muling magkaroon ng pandemya sa susunod na apat o limang taon.
Ayon sa ulat, ang mga posibleng dahilan ng pagdami ng mga outbreak sa mundo ang lumiliit na pagitan ng mga tirahan ng mga tao at mga hayop, at climate change.
"We're seeing that now... that the human and animal interface are definitely narrowing in different parts of the world where nagkakaroon na talaga in contact with them," ani Alviola.
Isa itong klasikal na halimbawa ng isang zoonotic na pagkalat ng mga virus, o pagkalat ng virus mula sa hayop papunta sa tao, o vice versa.
"So this would probably give rise to different strains of viruses or different strains of pathogens," sabi ni Alviola.
Dagdag niya, may kinalaman din ang pagkalat ng viruses sa pagtugon ng tao sa tagtuyot, matatagal na pag-ulan, at migration.
Dahil na rin sa pagtaas ng temperatura sa daigdig, na nagdudulot ng forest fires, lumiliit ang mga kagubatan na siya namang nagreresulta sa kawalan ng tirahan ng mga mababangis na hayop.
Isang halimbawa ng zoonotic na pagkalat ng virus sa Pilipinas ang kaso sa Sultan Kudarat noong 2014 kung saan 17 tao ang nagkasakit dahil sa Nipah virus. Kalaunan, 10 sa kanila ang nasawi.
Ayon kay Alviola, nakuha ng mga pasyente ang Nipah virus nang katayin nila ang isang kabayo na itinali sa puno na pinamumugaran ng mga flying fox, ang reservoir ng Nipah virus.
"So the fact that these flying foxes were roosting near human habitation is actually a response to their shrinking habitat," sabi Alviola.
Samantala, ang malaria, na kadalasang kumakalat sa equator, ay unti-unti na ring nakararating sa mga lugar na hindi masyadong mainit dahil sa pagbabago ng temperatura sa mundo.
"So now, these mosquitoes which are vectors of malaria pumupunta na sila sa areas na medyo hindi talaga mainit na mainit. In doing so, they are now coming into contact with a new set of naive hosts," ani Alviola.
Bukod dito, tinututukan din ng World Health Organization ang Disease X, na nagrerepresenta sa "knowledge that a serious international epidemic could be caused by a pathogen currently unknown to cause human disease."
Ngunit handa kaya ang Pilipinas sa mga posible pang outbreak sa hinaharap?
"Of course we cannot predict with precision kailan ba lalabas ang mga epidemic or pandemya. But what we would like to do or would like to envision ourselves to do, is to at least be there or to have people to study the origins of these emerging pathogens as early as possible," sabi ni Alviola.
Tunghayan sa Need To Know ang paliwanag ni Dr. Rontgene Solante ng San Lazaro Hospital tungkol sa monkeypox, at kung dapat ba itong pangambahan. —LBG, GMA News