Hihilingin ni incoming Bureau of Internal Revenue (BIR) chief Lilia Guillermo kay President-elect Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. kung puwede itong maging role model sa pagbabayad ng buwis. Kaugnay ito sa umano'y P203-bilyon na real property tax liabilities ng pamilya Marcos.
Sa panayam sa telebisyon nitong Miyerkules, tinanong si Guillermo tungkol sa naturang pagkakautang umano sa buwis ng mga Marcos. Aniya, kailangan pa muna niyang suriin ang mga dokumento.
Kung may buwis na kailangang bayaran, hihilingin umano niya kay Marcos na maging "role model" sa pagbabayad ng buwis.
"Actually sabi ko nga, I need to know details, I need to know... Alam mo ang sasabihin ko lang naman sa kaniya kung saka-sakaling I have to collect or BIR has to collect, sabihin ko sa kaniya this amount, hindi naman po talaga kayo ang magbabayad, it's the estate," sabi ni Guillermo sa ANC.
"'Puwede ho ba maging role model kayo?' 'Yun ang magiging ano eh. The Marcoses will now pay their taxes because nag-comply sa batas. It came from the Supreme Court, it's final and executory so, 'yun lang naman ang sasabihin ko sa kaniya. Pero I should have the correct data," patuloy niya.
Ayon kay Guillermo, hindi pa nila napag-uusapan ni Marcos ang naturang usapin.
"Walang ganoong pag-aalinlangan because I met the President himself. Wala siyang sinabi tungkol doon," ayon kay Guillermo.
Bago napili ni Marcos na maging pinuno ng BIR, nagsisilbing assistant governor ng Bangko Sentral ng Pilipinas si Guillermo.
Inaasahan ni Guillermo na makikita niya ang mga dokumento tungkol sa umano'y utang sa buwis ng mga Marcos sa Lunes. Kasunod na rin ito ng gagawing paglilipat ng kapangyarihan ng BIR.
Ayon kay Guillermo, malaking tulong sa koleksiyon ng BIR ang halagang makokolekta sa mga Marcos lalo na kung totoong umaabot ang pinag-uusapan halaga sa P200 bilyon.
"We have to convert those properties to cash para madagdag sa tax collections ng BIR. Give me the time to go over the documents. How much are we talking about? Hindi ko alam kung talagang P200 billion ‘yan, and maybe if that’s really the amount, imagine it will help really in the collections of BIR,” paliwanag niya.
Nauna nang sinabi ng opisyal na susundin ng BIR ang anumang magiging pasya ng korte tungkol sa unsettled tax liabilities ng pamilya Marcos.
Wala pang pahayag ang mga Marcos tungkol sa sinabi ni Guillermo.
Pero dati nang sinabi ni incoming Executive Secretary Attorney Vic Rodriguez na patuloy pang dinidinig ang mga ari-arian na pinag-uusapan sa kaso.
Tiniyak din ni Rodriguez na susunod si Marcos sa magiging pasya ng korte at itinatakda ng batas. —FRJ, GMA News