Inaresto ng mga awtoridad sa Quezon City ang dalawang babae sa isang buy-bust operation, at nasabat mula sa mga suspek ang aabot sa P700,000 halaga ng hinihinalang shabu.
Iniulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkules na target ng ikinasang drug buy-bust operation ang umano'y tulak na si Fatima Watamama ng Barangay San Isidro, Quezon City.
Nang magkabentahan ng item, naaresto din ang umano'y kasabwat niyang kinilalang si Rowena Gianan sa operasyon noong Martes ng gabi.
Ayon sa mga pulis, nakuha mula sa kanila ang nasa 105 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit P700,000.
Ayon kay Police Major Octvio Ingles Jr., Deputy Station Commander at Station Drug Enforcement Unit (SDEU) chief, ang pagkakahuli sa dalawa ay resulta ng two weeks na surveillance.
Malakihan umano ang transaction ng mga suspek, bulto ang bentahan, at nag-o-operate sa Maynila at sa Quezon City, ayon ka Ingles.
Inaalam na umano ng mga pulis ang mga parokyano ng mga suspek na nasa kustodiya na ng Galas Station.
Sila ay mahaharap sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. —LBG, GMA News