Asahan na naman ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa sa mga darating na linggo, ayon sa Department of Health (DOH). Pero hindi raw iyon matatawag na "surge."
Nakitaan umano ng pagtaas ng COVID-19 cases na nasa 70% na ngayon ang National Capital Region (NCR), ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa panayam ng CNN Philippines.
Ayon sa opisyal, dumoble na ang average number of cases sa Mertro Manila kumpara sa nagdaang linggo, at nasa 1.02 ang average daily attack rate.
“Right now what we're seeing is that the number of cases are continuously increasing, especially here in the National Capital Region, and we can see that this is really the start of the peak in the number of cases,” ani Vergeire.
“We are again guiding the public and making them aware that this might be the start that the cases will continuously rise in the next couple of weeks,” dagdag niya.
Bukod sa NCR, binabantayan din ng DOH ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Calabarzon, Mimaropa, Western Visayas, at Northern Mindanao.
Pero paglilinaw ni Vergeire, hindi "surge" o muling pagsirit ang nangyayaring pagtaas muli ng kaso ng hawahan.
“Let us not call this a surge because we try to avoid using this term from the previous increases in cases because this has caused a lot of confusion among the public,” paliwanag niya.
Itinuturong dahilan ni Vergeire sa pagtaas ng COVID-19 infections ang mas nakahahawang Omnicron sub variants tulad ng BA 2.12.1, BA.4, at BA.5.
Bukod pa rito ang muling paggalaw o pagbiyahe ng mga tao, at ang humihinang bisa ng bakuna kontra COVID-19 dahil marami ang hindi nagpapaturok ng booster shots.
Batay sa datos ng National Vaccination Operations Center (NVOC), 70 milyon Pinoy na ang fully vaccinated, habang 74.8 milyon ang mayroong first dose.
Pero nasa 14.7 milyon lang ang mayroong unang booster shot, at 648,000 ang may second booster dose.
Sa ngayon, ang second booster shot ay ibinibigay lamang sa mga frontline healthcare worker, senior citizens, at immunocompromised individuals.
Nitong Linggo, nakapagtala ng 612 new COVID-19 cases, at umangat sa 4,529 ang active cases, mula sa 4,176 noong Sabado. — FRJ, GMA News