Tinanggap na ng security guard na na-hit-and-run sa Mandaluyong City ang paghingi ng tawad ng SUV driver sa nasabing insidente, ngunit itutuloy pa rin daw niya ang kaso laban dito.
“Tinatanggap ko 'yung pag-sorry niya, paghingi niya ng tawad sa akin, sa mga kamag-anak ko, sa pamilya ko. Pero 'yung kaso, nandon pa rin 'yung kaso. Tuloy pa rin 'yung kaso,” saad ng biktimang si Christian Joseph Floralde, 31, sa eksklusibong panayam ni Maki Pulido ng Reporter's Notebook na ipinalabas sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes.
“Paano kung namatay ako, paano 'yung pamilya ko? Paano kung walang dash cam na video tapos namatay ako? Sino masisi, sino hahabulin? Itutuloy-tuloy namin hanggang sa makamit namin 'yung hustisya na nararapat po sa akin,” dagdag niya.
PANOORIN: Eksklusibong panayam sa security guard na sinagasaan ng SUV driver
May nararamdaman pa raw na sakit ng katawan at trauma si Floralde.
"Parang kumikibot 'yung katawan ko tuwing makakakita ng sasakyan lalo na 'pag malapit sa akin," he said.
Sa ngayon ay patuloy pa ang pag-inom niya ng pain reliever para sa sakit ng katawan.
'Parang nauupos na kandila'
Ikinuwento ni Floralde ang pangyayari noong June 5.
Duty daw siya bilang perimeter guard mula 10 a.m. hanggang 10:30 p.m. noon.
Bago mag-alas-kuwatro ng hapon, habang nagmamando ng trapik, pinatigil niya ang isang SUV sa kanto ng Julia Vargas Avenue at St. Francis Street.
Pero hindi huminto ang SUV. Sa halip ay nabangga siya nito sa may tuhod niya.
Nang matumba siya, inakala raw ni Floralde na bababa ang driver mula sa sasakyan upang tingnan kung ano ang nangyari.
“Nagulat na lang ako bigla niyang pinatakbo na lang 'yung sasakyan hanggang sa 'yun nga, nagulungan ako ng sasakyan," aniya.
"'Di ko naman akalain na matutumbok niya ako. Tinamaan 'yung bandang tuhod ko hanggang sa bumagsak na ako," dagdag niya.
Bigla raw siyang nakaramdam ng sakit sa dibdib at katawan.
"Sumuka ako ng dugo noon. Hindi ako makahinga noon, parang naipit 'yung labasan ng hangin. Kasi parang nauupos na kandila, parang titirik na," kuwento ni Floralde.
“Naisip ko na lang 'yung pamilya ko noon. Sabi ko, kapag pumikit ako, baka matuluyan ako," aniya.
Nagtamo ng injuries sa kaliwang bahagi ng ulo, balikat at katawan si Floralde.
"Dito siya dumaan (sa dibdib). Tapos sumasakit ito (tagiliran)," kuwento niya.
Dumating daw ang kanyang mga kasama sa trabaho, binigyan siya ng first aid, at isinakay sa ambulansiya na nagdala sa kanya sa VRP Medical Center sa Mandaluyong.
Na-confine si Floralde sa intensive care unit. Umabot raw sa P83,000 ang partial hospital bill niya na binayaran ng kanyang agency.
Noong June 15, sumuko sa pulisya ang suspek na SUV driver na si Jose Antonio Sanvicente.
Sa isang press conference, humingi ng tawad ang suspek.
Ayon sa pulisya, naisampa na ang kasong frustrated murder at abandonment of one's own victim laban sa suspek.
Kinansela na rin ng Land Transportation Office ang driver's license ng suspek at hindi na siya maaaring mabigyan pa ng lisensiya kailanman. —KG, GMA News