Dahil sa sobrang baba ng presyo, napilitan ang isang naghihinanakit na magsasaka sa Benguet na tadtarin na lang at gawing pataba sa lupa ang mga itinanim niyang repolyo.
Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing nag-viral ang video ng magsasakang si Samuel Daniel na inupload sa social media habang tinatadtad ang mga repolyo at naglalabas siya ng sama ng loob.
Kuha umano ang video noong Abril na ang presyo ng reporyo sa bagsakan ng gulay sa La Trinidad Benguet ay nasa P5 hanggang P10 lang kada kilo.
Dahil sa pagsira ni Daniel sa kaniyang tanim, hindi na raw niya mababawi ang puhunan niyang P10,000.
Sadya raw talagang hindi na niya kayang dalhin pa sa bagsakan ng gulay ang kaniyang produkto at madadagdagan lang ang kaniyang gastos at pagkalugi.
"Baka mag-abono pa ako ng ano...eh ang dami ko nang utang," pahayag niya kung ibibiyahe niya ang mga repolyo sa bagsakan ng gulay ay hihigit pa lalo sa puhunan ang gagastusin niya.
"Kung aanihin ko po yung aking repolyo tapos ibebenta doon sa La Trinidad, Benguet sa bagsakan ng gulay, aabutin po kami ng tatlo hanggang apat na oras bago ibiyahe yung gulay namin. Tapos yung mga tao po na maghahakot ng garden binabayaran po namin," paliwanag niya.
"Tapos yung nagtatrabaho na nagsusuporta, binabayaran namin. Kaya kinuwenta ko po yung gastos ko hindi po babalik yung ano [ginastos] kapag ibebenta ko yung tanim," dagdag ni Daniel.
Hiling niya, sana ay magawa umano ng gobyerno na mapatatag ang presyo ng gulay at hindi basta na lamang biglang bumababa at biglang tumataas.
"Sana po magstable ng presyo kahit yung P30 pataas," saad niya.
Tanging ang mga naghahakot lang umano ng gulay na papuntang Maynila ang kumikita sa mababang presyuhan ng gulay.
Ayon Usec. Kristine Evangelista ng DA, pinapahanap na nila ang naturang magsasaka at ang iba pang magsasaka.
Noong nakaraang linggo, nakipagpulong ang DA sa lokal na pamahalaan, municipal agricuturist at mga magsasaka sa Benguet para iugnay ang mga magsasaka sa buto-bulto kung bumili ng gulay.
"Bukod sa pagbili ng agricultural commodities sa trading post, sana po sa farm mismo makabili na rin ang mga institutional buyers na kausap namin. Mayroon pong isang supermarket na ang kaniyang requirement po ay 3,500 kilos of cabbage monthly," sabi ni Evangelista.
Idinagdag ng opisyal na patuloy na tutulong at maghahanap ng paraan ang DA para maibenta ng mga magsasaka ang kanilang mga produkto.--FRJ, GMA News