Bukod sa pagbabarbero, nagkikilay din at may home service na masahe pa ang isang ama para tugunan ang mga pangangailangan ng kaniyang pamilya, lalo na't hindi sapat ang iisang trabaho lamang at patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Sa special report ni Bam Alegre sa UB Specials, sinabing nakapag-ipon si Toto Sumayang ng puhunan sa pagbabarbero, hanggang sa nakapagbukas ng sariling barber shop sa Bagong Silang, Caloocan.
Ngunit hindi pa pala sapat ang kaniyang kinikita sa trabaho, sa gitna ng pagtaas ng mga presyo ng bilihin.
Kaya naman kahit nakararamdam ng pagod, nagdesisyon si Toto na mag-sideline sa isa pang barber shop na ilang kilometro ang layo, kung saan nagkikilay din siya.
Sa kaniyang pagkikilay, natuto na rin si Toto ng microblading o threading, at mayroon din siyang ginagamit na sariling equipment.
Pag-uwi naman sa bahay, nagho-home service pa si Toto ng masahe, at hindi nakatatanggi kapag nag-request ang mga suki niya.
Sa likod ng pagsusumikap ni Toto ang kaniyang asawa at dalawang anak.
"Kahit pagod, kakayanin, kasi kailangan eh. Kahit masakit ang katawan kakamasahe, sige pa rin, kailangan talaga ng pampamilya na budget eh," sabi ni Toto.
"Pero kahit paano nagagampanan pa rin 'yung [tungkulin] sa pamilya. Mahirap talaga kasi hindi kaya dahil mamahalin na ngayon ang bilihin, hindi sapat ang isang trabaho lang. Kailangan rumaket ng tulad ng service ng kilay, massage, kung ano pa. Basta kumita," dagdag ni Toto.
Sinabi naman ng misis ni Toto na si Femia Sumayang na may mga pagkakataong hindi na kinakaya ng katawan ni Toto ang maraming trabaho.
"Kagabi noong pauwi na siya, nagsabi siya na iba ang pakiramdam niya. 'Yung dito raw niya (tainga) may pumipintig na. Dinala ko siya sa [doktor], ang taas ng dugo niya, umabot na sa 200/120. Kaya grabe ang taas ng dugo. Sabi ko, sa puyat din 'yan at sa pagod. Kasi minsan sa gabi may service din siya sa gabi, kapag may biglaang tawag hindi niya matanggihan kasi pera na," sabi ni Femia.
Katuwang ni Toto si Femia, na rumaraket na rin ng manicure home service.
"Wala tayong ibang ano kundi para sa pamilya eh. 'Yun ang pinagtutuunan ko kaya naghahanapbuhay ako. Kaya kung ano pang dapat malaman tulad ng paggupit, sa pagkikilay, masahe, kulay, kung ano pang mayroon, alamin dapat natin para dagdag income," sabi ni Toto.
"Mag-iingat siya lagi sa araw-araw. Mahal na mahal namin siya ng pamilya niya, lahat kami, mga anak niya. Basta lagi siyang magpe-pray bago pumasok. Dasal dasal lang din. Nagtatrabaho nga tayo, para saan pa kung mamatay naman?" sabi ni Femia.
Sinabi ng Commission on Population and Development (POPCOM), na kailangan sa higit isang trabaho para malagpasan ang kahirapan sa Metro Manila.
Inilahad naman sa datos ng Philippine Statistics Authority na umakyat na sa 26 milyong Pilipino o 23% ng kasalukuyang populasyon ang napapasailalim sa poverty line dahil sa pandemya noong 2021.
Sinabi naman ng ekonomistang si Emmanuel Leyco na indikasyon ang mga raket at sideline na hindi na sapat ang minimum wage.
"Pagod ang mga mamamayan, pagod ang mga manggagawa, so ang productivity ng mga manggagawa, maapektuhan na rin ito. Hindi dapat normal ito, kasi ang mga taong nagtatrabaho, ang kailangan kumikita sila nang sapat para makatugon sila sa kanilang mga pangangailangan," sabi ni Leyco.
"Mabili nila ang kailangan nilang bilhin, pagkain, damit, kailangan magbayad sila ng pamasahe, bayad ng bahay, bayad ng kuryente, tubig. Kailangan kung ano ang kinikita nila sa loob ng isang araw, dapat 'yan ay maging sapat," dagdag ni Leyco.
Rekomendasyon ni Leyco sa gobyerno na taasan ang suweldo ng mga manggagawa at bawasan ang kanilang mga buwis.
Gayunpaman, kumplikado ang ekonomiya ng bansa.
"Hindi mo naman puwedeng sabihin na 'Huwag na kayong magbayad ng ganitong buwis' o kaya 'Bukas, makalawa, itataas ko na ang suweldo ninyo.' Hindi naman ganu'n kasimple 'yun," dagdag ni Leyco, na sinabing hindi kaya ng mga maliliit na negosyante na magbayad ng pagtaas ng suweldo ng mga trabahador.
Bilang suporta sa mga maliliit na negosyante, mungkahi ni Leyco na bigyan sila ng tax break, subsidy at panibagong tulong ng pamahalaan. —VBL, GMA News