Hindi iniwan ng dalawang guro hanggang sa huling sandali ang kani-kanilang mga batang estudyante sa nangyaring madugong masaker sa loob ng paaralan na ginawa ng isang 18-anyos na lalaki sa Uvalde, Texas.
Dalawang grade 4 teacher--sina Irma Garcia at Eva Mireles, at 19 na batang mag-aaral ay nasawi nang pasukin at mamaril ang suspek na si Salvador Ramos sa Robb Elementary school.
Matapos ang malagim na krimen, ipinaalam ng mga awtoridad sa mga kaanak nina Garcia at Mireles, na pumanaw ang dalawang guro na pinoprotektahan ang kani-kanilang estudyante.
Nasa edad siyam at 10 ang mga estudyanteng nasawi. Napatay din si Ramos ng mga rumespondeng awtoridad.
Napag-alaman na 23 taon nang nagtuturo si Garcia sa Robb, mayroon siyang apat na anak. Inilarawan siya ng mga kaanak na isang "sweet, kind, loving" teacher.
BASAHIN: NBA coach Steve Kerr, emosyonal sa nangyaring Texas school massacre
Miyembro ng pamilya kung ituring umano ni Garcia ang mga estudyante niya.
Pumanaw siya na yakap ang mga bata upang protektahan sila mula sa salarin.
"She passed away with children in her arms trying to protect them," sabi ng kaanak na si John Martinez sa Twitter. "Those weren’t just her students they were her kids as well."
Ang anak ni Mireles, nag-alay ng tribute sa kaniyang ina na ilang araw na lang ay matatapos na sana ang school year.
"I don’t know how to do this life without you, but I will take care of dad. I will take care of our dogs and I will forever say your name so you are always remembered, Eva Mireles, 4th grade teacher at Robb Elementary who selflessly jumped in front of her students to save their lives," sabi ni Adalynn Ruiz sa Facebook post.
Si Garcia, 46, ay kinilalang "teacher of the year" sa paaralan. Noong 2019, isa siya sa 19 na San Antonio-area educators na finalists para sa Trinity University's prize for excellence in teaching.
Napag-alaman naman na si Mireles ay asawa ng police officer na si Ruben Ruiz, nakatalaga sa school district's police force, ang nagsisiyasat sa nangyaring masaker.
Dalawang araw na lang sana ay matatapos na ang school year nang mangyari ang trahediya. Kinansela na ng school district ang klase sa nalalabing araw ng school year. Bumuo rin sila ng grief counseling para sa mga nakaligtas.
Bago mamaril sa paaralan, lumitaw na una nang binaril ni Ramos ang kaniyang lola, na nakaligtas sa kabilang ng tinamong tama sa bala sa mukha.-- Reuters/FRJ, GMA News