Naging emosyonal si Golden State Warriors coach Steve Kerr sa kaniyang pregame press conference sa NBA. Pero hindi tungkol sa laro ang tinalakay niya kung hindi ang madugong mass shooting sa isang paaralan sa Texas na 19 na batang estudyante at dalawang guro ang nasawi.
"Any basketball questions don't matter," ani Kerr bago ang Game 4 ng Western Conference finals.
May pagkakataon na halos maluha na si Kerr at nababasag ang tinig nang balikan niya ang nangyari sa Robb Elementary School sa Uvalde, Texas.
Napatay ng mga awtoridad ang 18-anyos na suspek.
"When are we going to do something?" galit na pahayag ni Kerr na ipinapalo ang kamay sa lamesa. "I'm tired, I'm so tired of getting up here and offering condolences to the devastated families that are out there. Excuse me, but I'm tired of the moments of silence. Enough!"
Kabilang si Kerr sa mga sport personality na tumutuligsa sa gun violence, at ang kawalan ng aksiyon ng U.S. Senate sa harap ng mga nangyayaring mass shootings sa Amerika.
Partikular na tinuligsa ni Kerr sa kaniyang press conference ang 50 senador na inuupuan umano ang batas tungkol sa universal background checks sa pagbili ng armas.
"We're going to go play a basketball game, and 50 senators in Washington are going to hold us hostage. ... They won't vote on it because they want to hold onto their own power. It's pathetic. I've had enough," sabi ni Kerr, sabay tayo mula sa kaniyang kinuupan.
Nangyari ang pinakabagong mass shooting 400 miles lang ang layo sa Dallas at wala pang 100 miles mula sa San Antonio.
"Uvalde, There are no words right now," tweet ng San Antonio Spurs. "Our hearts are with you and all of our neighbors impacted by today's horrific shooting."
Nagdaos ang Houston Astros ng moment of silence bago ang laro nitong Martes ng gabi laban sa Cleveland Guardians.
Dahil sa bagong insidente ng mass shooting, nanawagan si US President Joe Biden sa kaniyang mga kababayan na tumindig at labanan ang "politically powerful" US gun lobby. Ito umano ang dahilan kaya hindi maipasa ang mas mahigpit na batas sa pagmamay-ari ng armas.
Inatasan ni Biden na ilagay sa half-staff ang kanilang bandila bilang pagluluksa sa nangyari.
"As a nation, we have to ask, 'When in God's name are we going to stand up to the gun lobby?'" pahayag ni Biden sa telebisyon. Nais niyang ibalik ang "ban" sa assault-style weapons at iba pang "common sense gun laws."
Sampung araw lang ang nakakalipas nang 10 katao naman ang nasawi sa mass shooting sa isang grocery store sa Buffalo, New York.
Naaresto ang suspek na 18-anyos rin.
--Field Level Media/Reuters/FRJ, GMA News