Sumalubong sa maraming botante sa araw ng botohan sa Eleksyon 2022 ang mainit na panahon, mahabang pila, at nagkaaberyang vote-counting machines (VCM). Pero sakabila nito, wala naman "major issues" na natatanggap ang Commission on Elections.

Nagsimula ang botohan kanina sa ganap na 6:00 am, at tatagal ng hanggang 7pm.

Makasuot ng face mask ang mga botanteng pumili sa mga paaralan at mga lugar na itinalagang polling stations sa iba't ibang bahagi ng bansa.

"Blockbuster. The long lines are magnificent. Filipinos wanted to be heard and heard loudly," sabi ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner George Garcia sa mga mamamahayag.

Ayon naman kay Comelec acting spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, ang mahabang pila ay pagpapakita ng kagustuhan ng mga tao na gamitin ang kanilang karapatan sa pagboto.

"Ito po ay nakakatuwa kasi kitang-kita natin 'yung kagustuhan nila na gawin 'yung kanilang obligasyon at i-exercise 'yung kanilang right for suffrage,” pahayag niya sa pulong balitaan.

Inaasahan ng Comelec na magiging mataas ang bilang ng mga boboto. Ngayong halalan, nasa 65 milyon ang rehistradong botante.

Bagaman isa sa mga patakaran sa pagboto ang pagkuha ng body temperature ng mga botante bilang pag-iingat sa COVID-19, may ilang lugar na hindi na ito naisagawa dahil sa dami ng tao.

Sa Fort Bonifacio Elementary School sa Makati City, uminit ang ulo ng ilang botante nang wala silang makitang listahan kung saan ang kanilang presinto nang magsimula ang botohan, ayon sa ulat ni GMA reporter Chino Gaston.

Tumagal ng 15 minuto bago umano naipaskil sa labas ng paaralan ang listahan.

May naitala rin pagkawala ng kuryente sa Gen. T. De Leon Elementary School sa Valenzuela City, ayon kay GMA reporter Raffy Tima.

Pero hindi naman nito naapektuhan ang VCMs dahil sa mayroon itong baterya. Gayunman, ang pagkawala ng kuryente ay nagdagdag ng pahirap sa botante dahil sa init ng panahon, lalo na sa mga senior citizen.

May mga ulat din na nagkaroon ng aberya sa VCM na hindi binabasa o iniluluwa ang mga balota.

Sa Misamis Oriental, naantala rin ang botohan dahil sa nagkaaberyang VCM, ayon sa ulat ni GMA Regional TV reporter Cyril Chavez.

Sa Manila, inabisuhan ang mga botante sa mga presintong pumalya ang dalawang VCM na maaari nilang iwan ang kanilang balota sa electoral board o bumalik na lang kapag naayos na ang problema sa VCMs.

Mayroon ding anim na VCMs ang pumalya sa Parañaque City, na naging dahilan ng pagkaantala ng botohan na nagresulta sa mahabang pila ng mga boboto, ayon kay Super Radyo dzBB reporter Jomer Apresto.

Dahil sa isyu ng pagpalya ng ilang VCM, hiniling ng election watchdog Kontra Daya na palawigin ang oras ng botohan kahit lumampas ng 7 pm.

"The breakdown of VCMs and the long lines, among other issues, have affected the turnaround time in voting," paliwanag ng grupo sa Twitter post. "Extending voting hours can help prevent disenfranchisement."

Tiniyak naman ni Comelec Commissioner Garcia na mayroong mga technician na nakatalaga sa mga VCM na nagkakaaberya.

"Habang kinukumpuni ng ating technician yun pong vote-counting machine na nasira ay dapat po ang lahat ng balota ay kunin sa botante," abiso ng opisyal.

"At kapag natapos na ang pag-aayos ng VCM ay saka na siya (balota) ifi-feed sa harapan ng lahat ng watcher at lahat ng observers na nandun sa loob ng presinto."

Ang mga VCM na hindi na kayang ayusin, papalitan ng bagong VCM, dagdag ni Garcia.

Sa kabilang ng mga iniiulat na aberya, sinabi Laudiangco na walang natatanggap na "major issues" ang Comelec.

"Ngayon po, wala kaming natatanggap na major issues and that’s a good indication na maganda ang ating voting na nagaganap," saad niya. —FRJ, GMA News