Ilang rehiyon ang masusing binabantayan ng Department of Health dahil sa pagtaas ng kaso ng dengue.
Sa media briefing nitong Lunes, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergerie na ang pagtaas ng kaso ng dengue ay naitala sa Region 2, 3, 7, 9, at CAR.
“When we say pagtaas, we compare the number of cases today with the previous time period, the same time period last year. Para masabi natin if they are going or nearing the epidemic threshold na tinatawag,” paliwanag ni Vergerie.
“Sa ngayon mino-monitor natin closely ang mga areas na ito. Nakapagbigay na tayo ng assistance and guidance to these areas,” dagdag niya.
Noong nakaraang buwan, idineklara ang dengue outbreak sa Zamboanga City dahil umabot kaso sa 893, kabilang ang 11 namatay. Nangyari ito mula Enero 1 hanggang Abril 2.
Hanggang nitong Abril 16, umabot na sa 1,135 ang dengue cases sa Zamboanga City, at umakyat sa 14 ang nasawi.
Para mapigilan ang posibleng dengue epidemic, binuhay na mula ng DOH ang dengue fast lanes at naglaan ng logistical assistance sa mga apektadong lugar, ayon kay Vergerie.
Pinaalalahanan din ng opisyal ang publiko na gawin ang “four-S” (search and destroy mosquito-breeding sites, seek early consultations, self-protection measures, at support spraying/fogging) para mapigilan ang pagdami ng dengue cases.
“So, we do the four-S – kailangan po natin maglinis ng ating mga paligid, ating likuran. Linisin po natin ang lahat ng nakakaipon ng tubig, lahat po ng mga kuyagot. Let’s do the four S every 4 pm,” ani Vergeire.
“We advised all local governments also to activate and mobilize their dengue brigades. Para po mapigilan natin ang further na pagkalat at pagtaas ng sakit na ito,” dagdag niya.—FRJ, GMA News