Isang senior citizen ang hinampas ng baseball bat ng isang motorista dahil sa away-trapiko sa Las Piñas City.
Nangyari ang insidente sa Marcos Alvarez Avenue sa Talon V, ayon sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes.
Nakuhanan pa ng video ang pangyayari.
Sa video, makikitang sinisigawan ng lalaking may hawak ng baseball bat ang isang senior citizen.
Nang akmang babaklasin ng senior citizen ang license plate ng sasakyan ng lalaki ay tatlong beses siyang hinampas ng motorista at natamaan ang kanyang ulo at balikat.
Humandusay sa kalsada ang senior citizen ngunit nakatayo rin.
Inawat din ng mga taong nasa paligid ang dalawa.
Hinampas naman ng senior citizen ang sasakyan ng motorista gamit ang kanyang helmet.
Humarurot naman ang sasakyan.
Hinabol ito ng senior citizen hanggang makarating sila sa Pilar.
Ayon sa senior citizen na nakilalang si Tatay Julian, papunta siya sa garahe ng jeepney para pumasada.
Nagbusina raw siya ngunit nagalit ang motorista.
Bumaba si Tatay Julian at kinausap ang motorista, ngunit nauwi lang sa pagtatalo ang usapan.
Aminado si Tatay Julian na nakainom siya ngunit matino naman daw siya.
Nagkaharap ang dalawang panig sa Traffic Bureau ng Las Piñas, ngunit hindi sila nagkasundo.
Desidido ang pamilya ni Tatay Julian na magsampa ng kaso laban sa motorista.
Pinuntahan ng GMA News ang motorista ngunit wala ito sa address na kanyang ibinigay.
Nagpa-medical examination naman si Tatay Julian matapos ang insidente. —KG, GMA News