Nakipagpulong sa Kanyang Kabanalan Francisco ang Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula nitong Abril 21, 2022.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na pakikipagkita ng arsobispo ng Maynila sa Santo Papa makaraang italagang Kardinal noong Nobyembre 2020, batay sa ulat sa radyo ng Simbahang Katolika.
Ayon sa impormasyong ibinahagi ni Father Gregory Ramon Gaston, Rector ng Pontificio Colegio Filipino sa Roma, nakipagpulong din si Cardinal Advincula kay Cardinal Giovanni Battista Re ang kasalukuyang Dean ng College of Cardinals.
Hindi ito ang unang pagkakataon na makasalamuha ni Cardinal Re ang arsobispo ng Maynila sapagkat ito ang Prefect ng Congregation for Bishops noong itinalagang obispo si Cardinal Advincula sa San Carlos Negros Occidental noong 2001 sa pamamagitan ni St. Pope John Paul II.
Bukod dito nakipagkita rin ang cardinal kay Philippine Ambassador to the Holy See, Myla Grace Macahilig at kay Most Rev. Lazarus You Heung-sik ang Prefect ng Congregation for the Clergy kung saan kasapi si Cardinal Advincula.
Ikinagalak ni Fr. Gaston ang pagbisita ni Cardinal Advincula sa institusyon kung saan naging bahagi rin ito noong mag-aral ng Canon Law sa Roma noong dekada 80 at pinasalamatan ang patuloy na suporta sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga paring mag-aaral.
Samantala, nakasalamuha rin ni Cardinal Advincula si Reims Reelu Archbishop Eric de Moulins-Beaufort, pangulo ng Catholic Bishops' Conference of France na may lahing Filipino.
Sa pinakabagong listahan ng 117 Cardinal Electors kabilang na rito si Cardinal Advincula kasama si Cardinal Luis Antonio Tagle ang Prefect ng Dicastery for Evangelizaton. —LBG, GMA News