Dahil sa mga private terminal ng bus naghintay ng masasakyan papunta ng probinsya, ilang pasahero ang nagtiyagang maghintay ng hanggang 12 oras gayung maaari naman silang sumakay sa integrated terminal exchanges (ITX).

Sa ulat ni Joseph Morong sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, tila nagkaroon ng kalituhan at pagtuturuan sa dahilan ng mahabang oras na paghihintay ng ilang pasahero sa masasakyan nilang bus papunta ng probinsya.

Bunga ito ng ipinatupad na "window hours scheme" ng Metro Manila Development Authority (MMDA) para sa mga provincial buses.

Sa ilalim ng naturang sistema, maaari lamang bumiyahe o magsakay at magbaba ng mga pasahero sa kanilang "private terminal" sa Metro Manila ang provincial buses ng mula 10 p.m. hanggang 5 a.m.

Paglilinaw ni MMDA chairman Romando Artes, hindi ito nangangahulugan na bawal bumiyahe sa Metro Manila ang mga provincial buses sa ipinatutupad na "window hours scheme."

“’Yun po ang mali kasi hindi po absolute ang 10pm to 5am. Puwede pa rin po silang bumiyahe. Hindi po sila pino-prohibit na bumiyahe outside of the 10 p.m. to 5 a.m. window period,” giit ni Artes.

Ngunit sa labas ng naturang window period, ang mga provincial buses ay dapat magbaba at magsakay lamang sa mga itinakdang integrated terminal exchanges (ITX), gaya ng nasa Araneta, Cubao.

“Wala po dapat kaguluhan or miscommunication na nangyari,” anang opisyal.

Ang pasahero na si Amor Pelata, sa isang private terminal naghintay ng masasakyan na bus sa halip na sa ITX dahil mabigat daw ang kaniyang bagahe.

Sinasabi naman ng Nagkakaisang Samahan ng Nangangasiwa ng Panlalawigang Bus sa Pilipinas Inc.  (NSNPBPI) na marami sa mga provincial bus ang wala umanong QR code o special permits para makapasok sa labas ng window hour, bagay na sinabi ng mga opisyal na hindi dapat gamiting dahilan.

Nang tanungin si Alex Yague, Executive Director of (NSNPBPI) kung mahirap bang kumuha ng QR code o special permits, tugon niya, “Hindi naman, ganoon pa rin. Kaya lang may requirement siya na hindi katanggap-tanggap sa mga operator…na hindi mo puwedeng gamitin ‘yung sariling terminal kung hindi sa ITX ka lamang.”

Pagpapaliwanagin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga bus operator kung bakit hindi sila nakakasunod sa direktiba ng gobyerno.

“Kapag hindi sila nakakasunod, they will be meted with penalty,” ani LTFRB Executive Director Tina Cassion.

“Problema kasi sa kanila, ginawa nilang hostage ang kapakanan ng mga pasahero sa kagustuhan nila, sa very willful nila – na gusto nila sa private terminals nila,” dagdag niya.

Sa labas ng window hours, tuloy-tuloy umano ang biyahe ng mga provincial bus sa ITX areas tulad ng PITX: Quezon, Region 4-A, MIMAROPA, at Bicol; PITX-Araneta Center Cubao:  Region 4-A CALABARZON; NLET: Region 1, 2, at CAR; NLET-Araneta Center Cubao: Region 3; at SRIT: provincial buses mula Visayas at Mindanao. --FRJ, GMA News