Itinakda ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases na kailangang mayroong PhilHealth coverage ang mga mag-aaral sa kolehiyo ngayon mas marami na ang kolehiyo at pamantasan na magsasagawa ng face-to-face classes sa harap ng COVID-19 pandemic.

Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing ang mga estudyanteng wala pang 21-anyos ay dependent pa ng kanilang mga magulang na miyembro ng PhilHealth.

"‘Pag 21 and above, ‘yan dapat primary members na sila,” ayon kay Dr. Shirley Domingo, PhilHealth vice president for corporate affairs.

Ang mga miyembro ng PhilHealth na may trabaho o kumita na ay kailangang magbayad ng kontribusyon na P300 bawat buwan.

Ang mga estudyante na walang trabaho, maaaring magpatala bilang "indigent," maging ang mga hindi kayang magbayad ng kontribusyon.

Pabor naman ang ilang magulang na ipatala ang kanilang mga anak sa PhilHealth kung gobyerno ang magbabayad ng kanilang kontribusyon.

“Yung bayad siyempre hindi naman natin alam, galing tayo sa pandemic magbabayad pa tayo ng PhilHealth so baka puwede na yung gobyerno sumagot no'n,” ayon sa amang si Reymar Mascarinas.

Sinabi naman ng National Union of Students of the Philippines (NUSP), na hindi dapat ipasa ng gobyerno sa mga estudyante ang pasanin sa health insurance.

“Yung financial burden ay napapasa sa individual sa mga estudyante instead of the government answering the budget to provide free medical treatment if ever may nagpositive. Kukuha ka ng barangay certificate of indigency, may bayad din ‘yun. Kukuha ka ng medical certificate, may bayad din ‘yun. Kukuha ka ng hospital bill na ipi-present mo saka ‘yung form, siyempre, may mga bayad siya,” ayon kay Jandeil Roperos, national president ng NUSP.

“So instead na magiging accessible ang transition for face-to-face classes, mayroong ganitong additional requirements,” dagdag niya.

Sinabi ng PhilHealth na sinusunod lang nila ang utos ng Department of Health (DOH) at Commission on Higher Education (CHED). Para din umano ito sa kapakanan ng mga estudyante at magsisilbing proteksiyon din nila sa panahon ng pandemic.

“Hindi po tayo ang nag-decide po nun. Sumusunod tayo sa DOH and CHED joint memorandum pero sa atin naman, ang masasabi natin is the protection na rin ‘yun ng ating mga estudyante,” ani Domingo.

Sa ilalim ng Universal Health Care, lahat ng Filipino ay miyembro ng PhilHealth. Maaari nilang pakinabangan ang mga benepisyo nito kabilang ang hospitalization benefit, COVID-19 benefit, at maging death benefit. —FRJ, GMA News