Nais ng Banko Sentral ng Pilipinas (BSP) na managot ang netizen sa ginawang pagsunog ng P20 na papel sa isang Tiktok video.
Sa ulat ni Joseph Morong sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabi ng BSP na ang ginawa ng TikToker na pagsusunog ng pera ay labag sa Presidential Decree No. 247, o ang batas na nagbabawal sa pagsuri at pagsusulat sa pera.
Ang mga mapapatunayang nagkasala ay mahaharap sa parusang multa na hindi hihigit sa P20,000 o pagkakakulong ng hindi hihigit ng limang taon.
“’Yung corresponding banknote at ‘yung coin ay pagmamay-ari ng Republika ng Pilipinas. Naka-receive siya ng maraming backlash from the public (kaya) pi-null-out niya agad,” ayon kay Atty. Mark Fajardo, Senior Investigation Officer ng BSP.
Natukoy na umano ang kinaroroonan at pagkakakilanlan ng netizen.
“Napagtagni-tagni po in terms of the location, the whereabouts, kung saan siya nakatira at ‘yung identity ng tao. And may mga validations po na ginagawa,” sabi naman ni Dickenson Gamalo ng BSP-Quezon City.
Bukod sa paglabag sa PD 247, mahaharap din ang lalaki sa mga reklamong paglabag sa RA 154 ng revised penal code o unlawful use of means of publication and unlawful utterances, at Cybercrime Prevention Act of 2022.
“Kahit sa social media maaari tayong makapag-commit ng mga ganitong violations. Wala po kayong takas,” giit ni Gamalo.
--FRJ, GMA News