Mula sa Baguio City ang kumobra ng napanalunan niyang mahigit P62.7 milyon jackpot prize sa Mega Lotto 6/45 drawn noong Pebrero 18, 2022.
Sa inilabas na pahayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office, sinabi umano ng winner na isang babae, na napaginipan niya ang tinayaan niyang numero na tumama na: 04-06-16-29-30-31.
Matagal na ring tumataya ng lotto ang babae na umabot na ng 18 taon.
“Mag-i-invest ako sa isang maliit na property,” pahayag ng babae tungkol sa plano niyang gawin sa kaniyang napanalunan.
Ibabahagi rin daw niya sa pagtulong sa iba ang nakamit niyang biyaya.
Una nang inihayag ng PCSO, na 19 na mananaya na ang naging milyonaryo sa pagtama ng jackpot sa lotto mula Enero 1, 2022 hanggang Marso 20, 2022.
Ang kabuuang premyo na napanalunan ng mga tumama ay umaabot na umano sa P839,889.030.60.-- FRJ, GMA