Nakumbinsi na umano ang tindero na magsampa ng reklamo laban sa anim na pulis-Caloocan na sinasabing nanakit at tumangay ng kaniyang pera na P14,000.
Sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Huwebes, sinabi ni Caloocan Police chief Sam Mina, na inamin umano ng mga inirereklamong pulis na sinaktan nila ang vendor na si Eddie Yuson, pero itinanggi ng mga ito na may kinuha silang pera.
“Na-encourage naman natin yung complainant na mag-file ng reklamo for almost five days na kino-convince naming mag-akyat ng kaso. Naiakyat noong Monday ng hapon,” ayon kay Mina.
Sinabi rin ni Mina na hindi kaagad sinabi ni Yuson ang tungkol sa nawala sa kaniyang pera nang una niyang isumbong at i-blotter ang insidente.
Kinilala ang mga inirereklamong pulis na sina Police Corporals Noel Espejo Sison, Rommel Toribio, Ryan Sammy Gomez Mateo, Jake Barcenilla Rosima, Mark Christian Abarca Cabanilla, at Daryl Calija Sablay.
Pawang nakatalaga ang mga pulis sa Drug Enforcement Unit ng Caloocan City Police Station.
Nangyari ang insidente noong Marso 27 habang bibili ng hapunan si Yuson. Hinarang umano ng mga pulis ang biktima at sinuri ang kaniyang bag.
Nakita sa CCTV footage ang pagtingin ng mga pulis sa wallet ng biktima at binatukan.
Ayon sa mga pulis, nagsasagawa sila ng anti-illegal drug operation nang mapansin nila si Yuson na pagala-gala sa lugar. Sinita nila ito at hiningan ng identification card.
Ayon kay Mina, may kasamang "asset" o impormante ang mga pulis na nasa sasakyan at kilala nito si Yuson.
“They vehemently denied the accusation…Kasi sabi lang nila, chineck nila yung body bag nya. Kasi umaaligid siya sa legitimate na anti-drug operations. Standard procedure nila na i-verify kung sino siya, chineck body bag nya, Kinuha IDs niya,” ani Mina.
Isinailalim na sa restrictive custody ng pulisya ang mga inireklamong mga pulis. —FRJ, GMA News