Inihayag ni Senador Imee Marcos nitong Biyernes na hindi pa natatanggap ng kanilang pamilya ang sinasabing sulat mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) para maningil ng multi-billion-peso  estate tax ng namayapa niyang ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Ayon sa senador, hindi pa natatanggap ng kaniyang ina na si Imelda at mga abogado nito ang sinasabing demand letter ng BIR kaugnay sa mga hindi nababayarang buwis.

Batay sa court records, nagkakahalaga ito ng P23 bilyon noong 1999, pero tinatayang lumobo na umano sa P203 bilyon dahil sa mga interes at multa makaraang hindi mabayaran pagkaraan ng maraming taon.

“Ang problema kasi, ‘yung nanay ko, wala pa raw natatanggap. Tinanong ko sa kaniya, e ‘yung mga abogado niya, wala pang natatanggap. So nakikipag-uganayan sila sa BIR na makakuha ng kopya at makipag-meeting," saad ni Imee sa panayam sa radyo.

"Matagal na naming hinihingi rin ito e, kasi pati kami nalilito e,” patuloy niya.

Ayon pa kay Imee, hinahanap ng kaniyang ina at mga abogado nito, pati na ang kaniyang kapatid na si presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang naturang demand letter ng BIR, na nalaman lang daw nila sa media.

“Kasi nakita lang namin sa media. Wala kasing kopya na buo ang nanay ko at hinihingi nga ang buong dokumento para upuan na once and for all, kasi nakakailang beses na rin kami na nakikisuyo sa kanila na upuan na natin at sumahin na ng total,” patuloy ni Imee.

Una rito, sinabi ng BIR sa kanilang sulat sa Aksyon Demokratiko na nagpadala sila ng written demand sa mga Marcos.

Kamakailan lang, inihayag din ng Department of Finance na patuloy na sinisingil ng BIR ang Marcos family tungkol sa naturang utang nila sa estate tax.

Batay sa entry of judgment mula sa Korte Suprema, nakasaad na pinal at dapat nang ipatupad ang desisyon tungkol sa usapin ng estate tax noong 1999.

Kinukuwestiyon naman ni Imee ang "timing" ng paglabas ng estate tax issue, na umano'y bahagi ng maruming pulitika.

“Ang akin lang, ang dami-dami nang taon, bakit bigla ngayon lumabas. Talagang parang paninira naman yata ito ng bulok na pulitika. Inuungkat ito,” sabi ni Imee.

“At tsaka sa totoo lang ‘wa epek’ na e dahil masyadong sawang-sawa na yung tao sa paulit-ulit na paninira sa amin. Parang hindi naman tumatalab na. Ang akin, ‘yung kaso tuloy-tuloy 'yan kahit sino pa man ang manalo. ‘Yung mga kaso tuloy-tuloy sa korte, walang problema 'yan. Hindi naman ‘yan haharangin ng pamilya naming kailanman,” patuloy niya.

Ilang kandidato sa panguluhan, katulad ni Manila Mayor Isko Moreno ang nangangamba na mawala at hindi na makolekta ang naturang estate tax kapag nanalo si Bongbong Marcos.

Iginiit naman ni Senador Ping Lacson na dapat masingil na ang naturang utang para magamit sa mga pangangailangan ng pamahalaan tulad sa mga programang pang-ayuda.

Ayon kay Imee, dapat lang na bayaran anumang pagkakautang sa gobyerno.

“Kung may utang sa gobyerno, kailangan bayaran, kami sa pamilya namin, lahat ng kaso namin, hinarap namin. Hinaharap pa rin dahil marami pa,” giit ng senador. —FRJ, GMA News