Isang Briton na modus umano ang manggulpi ng mga dayuhan para makapangikil ng pera ang inaaresto ng mga awtoridad sa Makati. Ang suspek, inaresto matapos na gulpihin ang Pinoy na bodyguard niya.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, kinilala ang suspek na si Mark Wall,  na inaresto ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Inaresto rin ang Pinay na asawa ni Wall dahil nakialam daw sa operasyon ng mga pulis.

Ayon kay Police Leiutenant Colonel Michael John Villanueva, hepe ng CIDG Southern Metro Manila, modus ni Wall na sisindakin ang mga kapuwa dayuhan sa pamamagitan ng panggugulpi at pagkaraan ay iba-blackmail para hingan ng pera.

Nakuhanan ng CCTV camera ang ilang insidente ng pananakit umano ni Wall sa ilang dayuhan sa magkakaibang establisimyento.

Hanggang sa magreklamo ang Pinoy na bodyguard ni Wall na kaniya rin umanong sinaktan.

“Nag-conduct po kami ng record check napag-alaman po namin na may kaso po itong fraud base po sa interpol records. May information din po kami na involve din po siya sa pang-i-scam sa ibang bansa,” ayon kay Villanueva.

Ilan sa mga dayuhan na naging biktima umano ni Wall ang nagtungo sa pulisya nang maaresto ang Briton.

Sinabi nila na nakatinginan lang nila si Wall at bigla na lang itong sumalakay nang walang dahilan.

“I didn’t do anything to him. He just came and hit me in the face and then he gets his gun – I’m gonna kill you. No reason. Just like that,” ayon sa isang Akhmad.

“Why are you looking in my vice? I’m like, I’m not looking in your vice, why are you attacking? I just realized this person likes to attack random people,” pahayag naman ni Steve.

Maging ang business partner umano ni Wall ay hindi rin nakaligtas sa kalupitan nito.

“I transfer property under his name and then he put a gun on him and put a gun on me. And then he said, ‘No you’re helping him, I’m gonna kill you, I’m gonna kill him, I’m gonna kill all of you,” ayon sa biktimang si "SD."

Tumanggi naman ang suspek na magbigay ng pahayag nang puntahan sa himpilan ng pulisya.

--FRJ, GMA News