Isa pang miyembro ng fraternity ang sumuko sa mga awtoridad kaugnay sa kaso ng 18-anyos na estudyanteng si Raymark "RR" Rabutazo, na pinaniniwalaang nasawi dahil sa hazing sa Laguna.

Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, kinilala ang suspek na si Kirby Galero, isa samga miyembro ng fraternity na Tau Gamma Phi- Longos Chapter, na sinasabing nagsagawa ng initiation rites na naging dahilan ng pagkamatay ni Rabutazo.

“Humihingi po ako ng tawad sa nagawa namin hindi po namin sinasadya ‘yon. Malalaman niyo naman po yung totoong nangyari. 'Wag lang po sana kayo maniwala sa mga sabi-sabi muna at kuwento- kuwento,” ayon kay Galero.

Batay sa medico legal report, nagtamo ang biktimang Grade 12 student ng subdural hemorrhage secondary to blunt head trauma.

Pero ayon kay Galero, “Wala kaming sinasagawang initiation rights sa ulo, at sa mukha.”

Hindi naman matanggap ng pamilya Galero ang paghingi ng patawad ng suspek. May miyembro pa umano ng fraternity na nagtangkang magbigay ng donasyon na kanilang tinanggihan.

“Ang sama ng loob ko, hindi nila nararamdaman… napakasakit,” hinanakit ni Maricar Rabutazo, ina ng biktima.

Isa pang suspek ang sumuko na kinilalang si Kevin Perez, na umano'y “master initiator” sa hazing.

Una nang nasampahan ng reklamo sa piskalya ang dalawang opisyal ng fraternity na sina Reyvince Espaldon at Venzon Benedict Lacaocao. --FRJ, GMA News