Iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na gawing P500 sa halip na P200 ang ibibigay na ayuda sa mga mahihirap na pamilya bunga ng tumataas na halaga ng mga bilihin.
Ginawa ni Duterte ang pahayag kasunod ng mga puna na maliit at hindi sapat ang P200 a month na tulong pinansiyal sa mga mahihirap na tukoy ng Department of Social Welfare and Development.
"Gawin na natin na P500. Bahala na ang susunod na presidente, saan siya magnakaw. Basta ibigay natin P500," pahayag ni Duterte sa ceremonial signing ng tatlong bagong batas na ginanap sa Malacañang nitong Lunes.
"I hope this will go a long way to help. Huwag sayangin sa e-sabong," dagdag pa ng pangulo.
Sinabi ni Duterte kay Finance Secretary Carlos Dominguez na maghanap ng mapagkukunan ng pondo para gawing P500 a month ang ayuda.
"I'd like to announce, sabi ko kay Sonny, on the ground, iyong feedback sa ayuda niya na P200. Sabi ko sa kaniya, it is too small sa isang buwan, hanap ka [ng] pera. Masyadong mababa 'yan," anang pangulo.
"It is not enough for a family of three, even four or five, iyong sa baba ang pinakaramaraming anak," patuloy niya.
—FRJ, GMA News