Limang pulis ang itinuturong sangkot sa pagdukot at pagkawala ng isang e-sabong master agent sa San Pablo City, Laguna.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, tungkol sa nawawalang mga sabungero, sinabi ng isang opisyal ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na mayroong positibong pangyayari sa ginagawa nilang imbestigasyon sa pagkawala ng biktimang si Ricardo Lasco.
“Right now, our investigators are consolidating the sworn statements of our witnesses and other pieces of evidence for the preparation of the filing of appropriate cases against the identified suspects before the Department of Justice,” sabi ni CIDG Director Eliseo Cruz sa mga senador.
Ayon kay Cruz, sa tulong ng Police Regional Office (PRO) Calabarzon, positibong itinuro ng mga testigo ang mga suspek nang ipakita ang mga litrato ng mga ito.
“The identified suspects are policemen. They are formerly assigned at the provincial intelligence branch of Laguna police provincial office based in Sta. Cruz, Laguna,” ayon sa CIDG director.
Agosto 30, 2021 nang kunin ng mga armadong lalaki si Lasco sa bahay nito sa San Pablo City.
Sa naturang pagdinig ng Senado, sinabi ni Cruz na mula sa anim na kaso, walo na ang pormal na kaso ang kanilang iniimbestigahan tungkol sa mga nawawalang sabungero na umaabot na sa 34 katao. —FRJ, GMA News