Inihayag ng Department of Energy (DOE) na posibleng magkaroon ng tapyas-presyo sa mga produktong petrolyo sa susunod na linggo. Bunga raw ito ng mga pinakabagong pangyayari sa Ukraine, Russia, at China.
Sa President’s Talk to the People na ipinalabas nitong Miyerkules, sinabi ni Secretary Alfonso Cusi na bababa ang presyo ng mga produktong petrolyo kung patuloy din na bababa ang presyo ng krudo sa world market.
“Next week po, inaasahan nating bumaba ang presyo ng petrolyo kung tuloy-tuloy ang pagbaba ng presyo sa merkado,” anang kalihim.
“Dalawang bagay ang nakapagpababa. Ang isa po is the lockdown in China because of COVID and ang projection ng lower demand for oil by China. Itong dalawang araw na tuloy-tuloy na pag-uusap between Russia and Ukraine, medyo na-temper din po ‘yung demand for oil,” dagdag niya.
Dahil sa nangyaring pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado, pumalo na sa hanggang P90.39 per liter ang gasolina, P84.76 sa diesel, at P84.17 sa kerosen.
Noong nakaraang linggo, umabot nang hanggang $150 per barrel ang krudo sa world market. Pero ngayong linggo, naglalaro ito sa $100 level.
Sa pagtaya ni Cusi, posibleng P5 per liter ang matapyas sa presyo ng gasolina at P12 sa diesel sa susunod na linggo.
Kasabay nito, tiniyak naman ng kalihim na sapat ang suplay ng krudo sa Pilipinas sa kabila ng nangyayaring krisis sa Ukraine at Russia.
“Sinigurado natin ang supply. Nakipag-usap tayo sa lahat ng mga industry players ng assurance sa supply. Tayo naman sa ngayon, meron pong sufficient supply,” pagtiyak niya.
Ipinaliwanag din ni Cusi ang iba pang posibleng maging daan para bumaba ang presyo ng krudo sa world market.
“Bababa lang po ang presyo ng langis kung magkakaroon ng increase ng supply sa pamamagitan ng pag-alis ng sanction sa Venezuela, Iran, at Syria," aniya.
"Nakakapagbigay po ito ng mahigit isang milyong barrel a day kung maaalis ‘yung sanction. Then kung bababa ‘yung decrease ng demand at kung magkakaroon ng ceasefire sa Russia,” dagdag pa ni Cusi.
Para mabawasan ang epekto ng mataas na presyo ng mga produktong petrolyo, iminungkahi ni Cusi ang short-term solution ng DOE gaya ng pagpapatupad ng P1 hanggang P4 promotional discounts sa oil companies, paglalaan ng P1.1 billion fuel discounts sa mga magsasaka at mangingisda, at pagpapatupad ng Pantawid Pasada program.
Magiging long-term solution naman umano ang pag-amyenda ng Kongreso sa Oil Deregulation law at TRAIN law.—FRJ, GMA News