Umaapela ang isang ina na ibalik ang kaniyang sanggol na anak na kaniyang ipinaampon kapalit ng P45,000. Ayon sa mister, baon sa utang ang kaniyang asawa matapos malulong sa online sabong.

Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabi ng 22-anyos na ginang na mayroon siyang naka-chat noong Marso 1 na interesadong ampunin ang kaniyang anak na walong-buwang-gulang.

“Nagkausap po kami sa online po, sa group po ng bahay ampunan. Tapos doon po nag-comment po siya, nag-PM po sa akin. Nag-offer po siya ng P20,000. Tapos meron pa po akong ibang kausap sinabi ko rin po sa kaniya na may kausap din po akong iba may nag-o-offer po na mas malaki,” kuwento ng ginang sa local online news na Pasig News Today.

“Tapos sabi niya sige P40,000 fixed tapos sabi ko sa kaniya kung pwede P50,000. Ngayon sinabi niya sa akin hanggang P45,000 lang,” patuloy niya.

Nang magkasundo sa halaga, nagkita umano sila sa isang fast food store sa Quezon City noong Marso 3.

Sinabi ng ginang na hiningan siya ng ID at pinapirma sa dokumento. Pero hindi umano siya binigyan ng kopya ng dokumento at wala rin siyang larawan ng kaniyang kausap.

“Binalikan ko po chinat ko rin po siya pero binlock na po niya ako. Sana po makipag-ugnayan na po siya, ibalik yung anak ko. Ibabalik naman din po yung pera. Sana po makipagtulungan siya kasi ibabalik din naman po yung pera at saka yung ginastos niya po ibabalik naman po ibalik lang po niya yung anak ko,” pakiusap ng ina.

Ayon sa ama ng bata, hindi niya alam ang ginawa ng kaniyang asawa.

Hinihinala niyang may kaugnayan ang nangyari sa pagkalulong ng kaniyang kabiyak sa online sabong.

“May mga utang siya, marami siyang utang nalulong po kasi siya sa online sabong eh. Hindi ko po alam na ibebenta po niya,” sabi ng ama.

“Eight days na pong mahigit nawawala yung anak ko eh, sana naman po maibalik na yung anak ko. Hindi po kasi ako makatulog nang maayos kapag lagi ko siyang naiisip. Ibalik naman po nila yung anak ko. Pakiusap lang, kasi hindi ako sanay na wala yung anak ko dito sa bahay. Isosoli po namin yung pera basta balik po nila yung anak ko,” pakiusap niya.

Ayon kay Atty. Gaby Concepcion, ang pagbebenta ng bata ay isang krimen alinsunod sa batas na child trafficking.

“Pinaampon mo yung bata for a price in effect itong pagbenta ng isang bata ito ay isang form ng child trafficking sa ilalim ng batas natin," paliwanag ni Concepcion.

"In fact sa ilalim ng ating child abuse law nakalagay na ang buy and sell ng isang bata at kung ang bata ay less than 12 years of age ito ay talagang classified as child trafficking," patuloy niya.

Ayon pa kay Concepcion, may tamang proseso o legal na paraan sa pagpapaampon at pag-ampon ng bata.

“Lahat ay dapat dumaan sa proseso ng adoption. Yung parental authority yung natural na authority ng magulang sa kanyang anak hindi yan basta mare-renounce, made-denounce, mata-transfer,” saad ng abogado.

Sa ilalim ng batas, ang mga napapatunayang sangkot sa child trafficking ay maaaring makulong ng habambuhay, at magmulta ng P2 hanggang P5 milyon.

May pananagutan din sa batas ang nagpaampon at umampon kung ginawa ang proseso nang hindi naayon sa tamang proseso.

“Maraming bata sa mga bahay ampunan sa mga child caring agency but there is a process that must be followed. A process that you can followed without incurring criminal liability,”ayon kay Concepcion.

Sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) na iniimbestigahan na nila ang insidente.

Kamakailan lang, hiniling ng mga senador kay Pangulong Rodrigo Duterte na ipatigil ang operasyon ng mga online sabong dahil sa kaso ng mga nawawalang sabungero.

Gayunman, inihayag ng Palasyo na hindi itutulog ang online sabong pero inatasan ang mga awtoridad na imbestigahan ang kaso ng nawawalang mga sabungero.

--FRJ, GMA News