Napigil ng isang taxi driver ang pangho-holdap sa kaniya ng dalawang pasaherong lalaki matapos siyang dumaan sa kalyeng may mga nagbabantay na pulis at humingi ng tulong sa Tondo, Maynila.
Sa video ng Manila Police District Station 7, mapapanood na pinara ng mga pulis ang taxi na minamaneho ni Jessie Mejulio matapos siyang pumasok sa one-way na kalsada.
Dahan-dahang umatras at saglit na huminto ang taxi, hanggang sa biglang lumabas si Mejulio at tumakbo patungo sa pulisya.
Hinoholdap na pala ang taxi driver ng dalawa niyang pasahero.
Alerto naman ang pulisya at mabilis na pinalibutan ang sasakyan, saka binuksan ang passenger's side at hinila palabas ang mga suspek.
Ayon kay Mejulio, sinakay niya sa Monumento sa Caloocan ang mga suspek, na nagpapahatid sa Pasay.
Nagdeklara ng holdup ang mga suspek pagdating ng Abad Santos sa Maynila saka siya tinutukan ng baril.
"Maganda 'yung tanong nila akala ko nga magpapakontrata. Ang tanong, magkano hanggang Buendia eh. Tapos ang sumunod na tanong, may panukli ba ako sa P1,000. Maayos kausap. Sabi ko 'Sige mayroon,'" sabi ni Mejulio.
"Tapos nag-declare ng holdap, pinakanan ako sa hindi namin pupuntahan, doon na ako nagduda," dagdag ni Mejulio.
Sa kabutihang palad, kabisado ng biktima ang ruta kaya dumaan siya sa kalye kung saan may mga nagbabantay na pulis.
Ayon sa pulisya, bahagi ng modus ng mga holdaper na magtanong kung may panukli sa P1,000 ang driver para makasiguro silang may pera ang bibiktimahin.
Nakuha sa mga salarin ang dalawang baril, mga bala at pekeng pera na ginagamit nilang pamasahe.
Mahaharap ang mga suspek sa patong-patong na reklamo.
"Pasensya na po sa nagawa namin," sabi ng suspek na si Glenn Mark Evasco.
"Gipit po kami sa bahay. Wala po ngayong [trabaho]," sabi ng isa pang suspek na si Ryan Medina. — VBL, GMA News