Tatlong Chinese na suspek sa pag-kidnap sa kapwa nila Chinese ang napatay sa engkuwentro sa Parañaque City habang dalawang biktima naman ang nailigtas, ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita nitong Lunes.

Dalawang linggo na raw ang nakalilipas mula nang dukutin ang mga biktima ng mga suspek.

Nakipagbarilan daw ang mga suspek sa otoridad kaya sila napatay.

Modus daw ng mga suspek na magpanggap na mga pulis at sundalo at parahin ang sasakyan ng mga biktima para puwersahan silang kunin.

"I think malaking grupo ito. May mga armas sila, may nakuha tayong uniforms ng military at pulis, may mga plate numbers ng mga sasakyan," ayon kay Police Brigadier General Jimili Macaraeg, hepe ng Southern Police District.

Batay sa imbestigasyon, posible rin daw na tino-torture ng mga suspek ang mga biktima dahil nakakuha sa bahay na pinagtaguan nila ng pala at baseball bat.

Kasama naman sa iniimbestigahan ang caretaker ng bahay na nandoon nang mangyari ang engkuwentro. —KBK, GMA News